MANILA, Philippines – Paiigtingin ng Office of the Ombudsman ang lifestyle checks sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) upang sugpuin ang korapsyon.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, ang dalawang ahensya ang inaatasang mangolekta ng pondo para sa mga proyektong pampubliko gaya ng paaralan, ospital at mga kalsada.
“That money belongs to the Filipino people. It does not belong to the officer who collects it,” pahayag ni Remulla sa town hall dialogue kasama ang Philippine Chamber of Commerce and Industry.
Sinabi rin ni Remulla na nakatanggap sila ng mga ulat na may ilang collector na umano’y humihingi ng dagdag na bayad sa mga negosyo, lampas sa halagang dapat nilang singilin.
Ayon sa kanya, walang resibong ibinibigay para sa mga naturang koleksyon.
“Bawat pisong binabayad sa estado ay dapat may resibo. Ang bayad na walang resibo ay hindi buwis; corruption ‘yan,” ani Remulla.
“Sa ilan sa mga ulat na ito, mas malaki pa ang walang resibo kaysa sa may resibo. Isipin ninyo ‘yan, mas malaki ang napupunta sa bulsa ng iilan kaysa sa kaban ng bayan,” dagdag niya. RNT/MDS