MANILA, Philippines – Handa ang National Bureau of Investigation (NBI) na tumulong sa proseso ng extradition ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder na si Apollo Quiboloy, ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag nitong Biyernes.
Nauna nang naglabas ang Makati Regional Trial Court (RTC) ng extradition arrest warrant at hold departure order laban kay Quiboloy at dalawa nitong kapwa akusado.
“We are ready to assist depending on our coordination with other law enforcement agencies, more importantly, with the Department of Justice (DOJ),” pahayag ni Matibag sa mga mamamahayag.
Ipinaliwanag ni Matibag na ang law enforcement agency na may kustodiya kay Quiboloy ang responsable sa pagharap sa kanya sa korte para sa pagdinig. Dumaan pa umano sa proseso ang extradition at kinakailangan ang court hearing.
“So ‘yung law enforcement who is in care of the person, sila ‘yung mag-present niyan sa court for the hearing— that’s based on the petition filed by the DOJ because of the request of the US Government,” paliwanag niya.
Kasalukuyang nakapiit si Quiboloy sa Pasig City Jail.
Inaresto siya noong Setyembre 2024 dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. Nahaharap din siya sa non-bailable qualified human trafficking case sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act 9208, na inamyendahan na.
Noong Lunes, naghain ang DOJ ng extradition petition sa Makati RTC laban kina Quiboloy, Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag, sa ngalan ng gobyerno ng United States.
Kabilang sa mga kasong nakasaad sa petisyon ang international human trafficking, sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling.
Hindi naman nagbigay si Matibag ng tinatayang panahon kung kailan maisasagawa ang extradition dahil nakasalalay ito sa desisyon ng korte.
“We don’t know; depende sa korte (it will depend on the court). I don’t like to speculate, and I don’t want to be the one saying it because it’s under the jurisdiction of the court,” aniya.
Samantala, sinabi ni Matibag na hindi pa nila nabeberipika ang kasalukuyang kalagayan nina Dandan at Panilag. RNT/MDS