Home NATIONWIDE Pagsusulong ng reporma sa mataas na edukasyon, iginiit ni Legarda

Pagsusulong ng reporma sa mataas na edukasyon, iginiit ni Legarda

1
0

MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senador Loren Legarda ang kanyang pangako na palakasin ang mataas na edukasyon sa bansa sa pagdalo niya sa Final Report Turnover and Strategic Policy Dialogue ng Commission on Higher Education (CHED) noong Nobyembre 5, 2026, sa Crowne Plaza Galleria sa Ortigas.

Dinaluhan ang talakayan ng mga kinatawan ng CHED, World Bank, Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), Department of Budget and Management (DBM), Office of the Solicitor General (OSG), gayundin ng mga tanggapan nina Senador Bam Aquino, Senador Joel Villanueva at Congressman Jude Acidre.

Tinalakay sa pulong ang mga resulta at rekomendasyon ng pagsusuri ng World Bank sa mga tungkulin at operasyon ng CHED.

Isinagawa ang pagsusuri mula Nobyembre 2025 hanggang Hulyo 2026. Sinuri rito ang organisasyon, bilang ng mga kawani, tungkuling pangregulasyon at kakayahan ng CHED na pangasiwaan ang lumalawak na sektor ng mataas na edukasyon sa bansa.

Kabilang sa mga natukoy na kailangang pagbutihin ang kakulangan sa mga tauhan, pagpapasimple ng mga prosesong administratibo, paglilinaw sa mga tungkuling pangregulasyon at pagpapahusay ng pagsubaybay sa kalidad ng mga resulta ng edukasyon.

Inirekomenda rin ang magkakaibang pamamaraan ng regulasyon batay sa pangangailangan ng mga institusyon, mas mahigpit na pangangasiwa at mas episyenteng proseso sa CHED.

Tinalakay din ang pamamahala sa mga scholarship at subsidiya sa ilalim ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST), kabilang ang kakulangan sa kawani at mga pagkaantala sa pagbibigay ng tulong pinansyal.

Napag-usapan din ang pamamahala sa mga state universities and colleges (SUCs), pananagutan ng mga institusyon at posibleng pagpapalawak ng kapangyarihang pangregulasyon ng CHED.

Kaugnay nito, inihain ni Legarda ang Senate Bill No. 1427 o ang panukalang Higher Education Development and Innovation Act of 2025, na naglalayong gawing moderno ang charter ng CHED, palakasin ang tungkulin at kakayahan nito at magtakda ng magkakaibang antas ng regulasyon at awtonomiya para sa mga institusyon ng mataas na edukasyon.

Inihain din niya ang Senate Bill No. 1414 na naglalayong linawin ang mga responsibilidad ng CHED at mga governing board ng SUCs, gawing mas propesyonal ang pamumuno at bigyan ng mas malawak na awtonomiya ang mga SUC batay sa kanilang performance at kakayahan.

“Our higher education institutions must be equipped to meet the changing needs of our students and our nation. Through these measures, we seek to strengthen their capacity to deliver quality education, uphold accountability, and create greater opportunities for every Filipino learner,” ani Legarda. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here