MANILA, Philippines – Bumaba sa net satisfaction rating na -4 ang pangkalahatang performance ng administrasyong Marcos noong Setyembre 2026, mula sa +1 noong Hunyo, batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa SWS, ikinategorya bilang “neutral” ang naturang rating, ngunit ito na ang ikalawang pinakamababang naitala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Pinakamababa ang -13 noong Marso 2026, na tinukoy na “poor.”
Sa isinagawang survey mula Setyembre 21 hanggang 27, nasa 38 porsiyento ang nagsabing satisfied sa performance ng pamahalaan, 18 porsiyento ang neither satisfied nor dissatisfied, at 42 porsiyento ang dissatisfied.
Sa 19 aspeto ng performance ng pamahalaan, bumaba ang net satisfaction ratings sa lahat ng larangan kumpara sa mga naunang survey.
Nakatanggap ang administrasyon ng “very good” na rating sa pagbibigay ng batayang edukasyon sa kabataan sa pampublikong paaralan (+61) at pagpapataas ng kalidad ng edukasyon ng mga bata (+50).
“Good” naman ang rating nito sa pagtulong sa mahihirap (+42), pagpapatupad ng housing programs (+40), paglikha ng mga polisiya para sa trabaho (+40), pagtulong sa mga biktima ng kalamidad (+36) at pagpapaunlad ng agham at teknolohiya (+30).
“Moderate” ang rating sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain (+27), maayos na pampublikong transportasyon (+23) at pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (+18).
Samantala, “poor” ang rating sa paghahanap ng solusyon sa pagtaas ng presyo ng langis (-21), pagpigil sa pagsasamantala ng mga kompanya ng langis (-25) at paglaban sa mga krimeng bumibiktima sa ordinaryong mamamayan (-25).
“Bad” naman ang rating sa paglaban sa katiwalian sa pamahalaan (-30) at pagsugpo sa implasyon (-34).
Sa mga rehiyon, pinakamataas ang net satisfaction rating sa Balance Luzon na +7, sinundan ng Visayas na -2, Mindanao na -17 at Metro Manila na -21.
Kumpara noong Hunyo, bumaba nang 10 puntos ang rating sa Metro Manila, pitong puntos sa Visayas at anim na puntos sa Balance Luzon. Nanatili naman sa -17 ang rating sa Mindanao.
Bumaba rin ang satisfaction rating sa mga edad 18 hanggang 24, mula +13 tungong -13; sa mga college graduate, mula -10 tungong -25; at sa mga may pinag-aralan mula senior high school hanggang ilang taon sa kolehiyo, mula +4 tungong -16.
Bumaba rin ang rating sa mga lalaki, mula -3 tungong -6, at sa mga babae, mula +6 tungong -1.
Samantala, bahagyang umangat ang rating sa mga edad 35 hanggang 44, mula -15 tungong -11, habang nanatili itong moderate sa mga edad 55 pataas, mula +17 tungong +18.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 Pilipinong edad 18 pataas sa buong bansa. May sampling error margin itong plus o minus 3 percentage points para sa pambansang resulta, at plus o minus 4 hanggang 6 na puntos para sa mga rehiyon. RNT/MDS