MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng bagong guidelines para palakasin ang work immersion program ng mga senior high school student at mas maihanda sila sa paghahanap ng trabaho matapos makapagtapos ng Grade 12.
Kasunod ito ng naitalang pagbaba ng youth employment rate noong Setyembre 2026, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, makatutulong ang work immersion upang magkaroon ng praktikal na karanasan ang mga mag-aaral at maging handa sa trabaho.
“Ang work immersion ang makakapaghanda sa ating mga mag-aaral para mas maging job-ready sila, kaya mas malaki ang chance na agad makahanap ng trabaho ang graduates ng Grade 12,” ani Angara.
Sinabi rin niyang nakikipag-usap na ang DepEd sa mga industry partner para magkaroon ng garantisadong placement ang mga estudyante sa kanilang work immersion.
“May mga kausap na tayong partners sa industriya para sa mga guaranteed placement sa kanilang work immersion. Based on experience, the chances of employment are higher when they undergo a longer immersion period with the company or organization,” dagdag niya.
Nakasaad sa DepEd Order No. 023, Series of 2026, na bahagi ng Strengthened Senior High School (SSHS) Curriculum, ang mga bagong alituntunin na naglalayong gawing mas angkop sa napiling industriya ng mga mag-aaral ang kanilang praktikal na pagsasanay.
Mandatory ang work immersion para sa mga nasa Technical-Professional (TechPro) Track. Kailangang sumailalim ang mga ito sa 320 oras na pagsasanay sa loob ng isang termino o 540 hanggang 640 oras sa loob ng dalawang termino, depende sa kapasidad ng paaralan.
Mananatili namang optional ang work immersion para sa mga nasa Academic Track. Maaari silang kumuha ng 320-oras na programa matapos makumpleto ang mga kinakailangang elective subject.
Maaari rin silang kumuha ng 80-oras na Field Exposure elective upang matukoy ang mga posibleng career path.
Para naman sa mga interesado sa malikhaing larangan, kabilang sa programa ang Arts Apprenticeship na nagbibigay ng pagkakataong matuto sa visual arts, media arts at performing arts.
Inaatasan din ang mga paaralan na suriin ang mga institusyong magiging katuwang nila at pormal na magkasundo sa mga kondisyon ng pagsasanay. Hindi rin maaaring gamitin ang mga estudyante bilang libreng manggagawa.
Hindi dapat lumampas sa walong oras kada araw at limang araw kada linggo ang mga aktibidad sa work immersion. Kailangan ding regular na kumustahin ng mga paaralan ang mga estudyante habang sumasailalim sa pagsasanay.
Hinihikayat din ang mga paaralan na makipagtulungan hindi lamang sa mga pribadong kompanya kundi maging sa mga lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno.
Ipapatupad ang bagong guidelines sa mga pampubliko at pribadong paaralang kabilang sa SSHS pilot implementation sa school year 2026-2027. Susunod namang ipatutupad ang mga ito sa iba pang senior high school pagsapit ng 2027. RNT/MDS