MANILA, Philippines – Inalis na ng US Federal Aviation Administration (FAA) nitong Biyernes ang nationwide ground stop matapos ang aberya sa komunikasyon sa mga air traffic control center na nagdulot ng matinding pagkaantala sa mga paliparan.
Ayon sa FlightRadar24, mahigit 4,700 flight ang nakansela at 10,000 ang naantala noong Biyernes. Mayroon ding 700 flight na nakansela para sa Sabado.
Dahil sa mahigit apat na oras na pagpapatigil sa mga flight, sinabi ng mga aviation analyst na maaaring abutin ng ilang araw bago maibalik sa normal ang mga iskedyul ng mga airline.
Tiniyak naman ng US Department of Homeland Security na walang palatandaang cyberattack ang sanhi ng aberya.
Ito na ang pinakamahabang nationwide flight shutdown sa US mula nang umatake ang mga terorista noong Setyembre 11, 2001.
Ang insidente ay dagdag na palatandaan ng mga problema sa air traffic control system ng bansa, kabilang ang mga sirang kagamitan at sistema ng komunikasyon, kakulangan ng air traffic controllers at lumang imprastraktura. RNT/MDS