MANILA, Philippines – Nakatakdang magtalaga ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mahigit 20,000 pulis para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits na gaganapin sa Manila sa Nobyembre 16 hanggang 18.
Ayon kay NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo, magdadagdag din ng mahigit 4,000 pulis mula sa Regions 1, 3 at 4A bilang augmentation force.
Sinabi ni Asilo na nakalatag na ang mga security arrangement para matiyak ang kaligtasan ng mga delegado at publiko.
Makikipag-ugnayan naman ang Police Security and Protection Group (PSPG) sa mga sariling security personnel na kasama ng mga dadalong lider ng bansa.
Isinasailalim din sa inspeksiyon ng K9 at Explosive and Ordnance Disposal (EOD) units ng PNP ang International Media Center at iba pang gusaling gagamitin sa summit.
Wala umanong namomonitor na validated threat laban sa pagtitipon, ngunit nagpapatuloy ang intelligence monitoring at pagsusuri sa mga impormasyong natatanggap ng pulisya.
Magkakaroon din ng police deployment sa mga natukoy na lugar ng mga rally, kabilang ang civil disturbance management (CDM) contingents na inatasang sumunod sa maximum tolerance.
Ayon kay Asilo, hindi papayagang makalapit ang mga raliyista sa mga security-restricted zone at makikipag-usap ang mga ground commander sa kanila upang maghanap ng ibang lugar na maaaring pagdausan ng mapayapang pagtitipon.
Wala pa ring abiso kung magkakaroon ng signal jamming sa mga lugar na pagdarausan ng mga pulong kaugnay ng summit.
Samantala, inanunsyo ng pamahalaang lungsod ng Makati ang pagbabawal sa drone operations sa buong lungsod sa buong Nobyembre bilang bahagi ng seguridad. Magpapakalat din ang Philippine Navy ng karamihan sa mga barko nito sa ilalim ng Naval Defense Command upang matiyak ang seguridad sa karagatan.
Idineklara ng MalacaƱang na special non-working days sa Metro Manila ang Nobyembre 16 hanggang 18 kaugnay ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit. RNT/MDS