Home NATIONWIDE Diokno, kinuwestiyon P2.1M bayad ng GenCorp kay VP Sara

Diokno, kinuwestiyon P2.1M bayad ng GenCorp kay VP Sara

1
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni House prosecution panel member Rep. Chel Diokno ang paglalarawan ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo sa P2.1 milyong ibinayad ng GenCorp kay Vice President Sara Duterte bilang isang “honest mistake.”

Ayon kay Diokno, nagpapahiwatig ang transaksiyon ng posibleng interes ng bise presidente sa kumpanya.

Sinabi niya ito matapos tumestigo si GenCorp corporate counsel Atty. Suzette Balucanag-Punay na ang naturang halaga ay return on o return of capital.

“When you look at it, it indicates na talagang may interest si VP sa kumpanya,” ani Diokno.

Dagdag pa niya, kung walang inilagak na kapital o interes si Duterte sa kumpanya, dapat ipaliwanag kung bakit ibinalik sa kanya ang naturang halaga.

Binigyang-diin din ni Diokno na mahalaga ang testimonya dahil mismong depensa ang tumawag sa naturang testigo.

Ayon pa sa kongresista, maaaring lumabag sa mga restriksiyong konstitusyonal ang direkta o hindi direktang paglahok ng bise presidente sa pribadong negosyo at pagtanggap ng kita habang nanunungkulan.

Kinuwestiyon din ni Diokno ang mga gastusin ni abogado Manases Carpio, asawa ng bise presidente, kabilang ang pagkain sa isang restaurant sa Tokyo, Japan at pagbili ng sapatos sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Sinabi niyang inaasahang mamuhay nang simple ang mga opisyal ng gobyerno alinsunod sa Konstitusyon at mga umiiral na batas.

Tinatayang P200,000 ang bawat gastusing tinalakay sa pagdinig, na ayon kay Diokno ay maliit kumpara sa mahigit P800 milyong umano’y hindi maipaliwanag na yaman na inilatag ng prosekusyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here