MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na paigtingin ang mga hakbang upang mapagaan ang gastusin ng mga pamilyang Pilipino at mapalakas ang kanilang kakayahang bumili ng mga pangunahing pangangailangan.
Kasunod ito ng pagbaba ng economic growth forecast ng London-based research firm BMI para sa Pilipinas sa 2.6 porsiyento ngayong 2026 mula sa dating 3 porsiyento. Ibinaba rin nito ang projection para sa 2027 sa 4 porsiyento mula sa 4.5 porsiyento dahil sa mahinang paggastos ng mga sambahayan, patuloy na pagtaas ng presyo at pagkaantala ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Batay naman sa Philippine Statistics Authority, 2.1 porsiyento lamang ang naging economic growth ng bansa sa ikatlong quarter, habang umakyat sa 7.8 porsiyento ang inflation noong Oktubre.
“Dasal ko talaga na makabalik na tayo sa normal na pamumuhay, na makabangon na ang ating ekonomiya at gumaan na ang buhay ng bawat Pilipino. Pero nakakabahala itong mga bagong pag-aaral ng mga eksperto na nagsasabing baka matagalan pa ang ating pagbangon,” ani Go.
Hinimok niya ang pamahalaan na agad kumilos at unahin ang mga programang direktang makatutulong sa publiko, partikular ang pagpapababa ng presyo ng pangunahing bilihin, pamasahe at kuryente.
Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang kakayahan ng mga pamilya na gumastos upang mapanatili ang pag-ikot ng ekonomiya, dahil nakatutulong ito sa negosyo at paglikha ng trabaho.
Inihain ni Go ang Senate Bill No. 175 o panukalang ₱100 Daily Minimum Wage Increase Act na naglalayong itaas ang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.
Inihain din niya ang Senate Bill No. 177 o Rural Employment Assistance Program Act para magbigay ng pansamantalang trabaho sa mga nangangailangang manggagawa, at Senate Bill No. 2033 o Fuel Crisis Immediate Relief and Response Act na naglalayong magbigay ng fuel subsidy, tulong sa mga commuter at pansamantalang ginhawa sa pagbabayad ng utilities.
Kabilang din si Go sa mga may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11960 o One Town, One Product Philippines Act na naglalayong suportahan ang micro, small and medium enterprises at palakasin ang lokal na negosyo.
“Bawat piso ay mahalaga ngayon, lalo na sa mga pamilyang sapat lang ang kinikita para sa pang-araw-araw. Kapag nakatipid sila kahit kaunti sa pagkain, pamasahe, o bayarin, malaking bagay na po iyon para sa kanilang pamilya,” aniya. RNT