MANILA, Philippines – Humiling ang Philippine National Police (PNP) nitong Sabado, Nobyembre 14 sa publiko na magdaos ng maayos at organisadong pagtitipon para sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits sa Pasay City.
“May karapatan ang bawat Pilipino na magsalita at magpahayag ng kanilang saloobin. We respect that. Ang hinihiling lang natin ay maging maayos ang ating pagkilos at sundin ang mga itinakdang lugar at proseso. We can protect the right to express ourselves while making sure that the safety of everyone is not put at risk,” saad sa pahayag ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
Ayon sa PNP, bagamat nirerespeto nito ang karapatan ng mamamayan sa pagpapahayag at pagtitipon, nakalatag naman ang heightened security arrangements sa mga lugar na pagdarausan ng event.
Hinimok ng pulisya ang mga magpoprotesta na gamitin ang “freedom parks,” dahil sinasabi rin sa Public Assembly Act of 1985 na kailangan ng permit para magdaos ng public assemblies.
Inatasan ni Nartatez ang mga pulis na panatilihin ang professional, courteous, at maayos na pagtugon sa mga magpoprotesta.
Hinimok naman ng PNP ang mga organizer na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at mga awtoridad bago ang kanilang aktibidad. RNT/JGC