Home NATIONWIDE PH, Brazil tuminta ng kasunduan sa agri, competition laws

PH, Brazil tuminta ng kasunduan sa agri, competition laws

1
0

MANILA, Philippines – Lumagda ang Pilipinas at Brazil sa dalawang memorandum of understanding (MOU) para palakasin ang kooperasyon sa agrikultura at paghahayupan, gayundin sa pagpapatupad ng mga batas sa kompetisyon.

Nilagdaan ang mga kasunduan sa bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva nitong Sabado, Nobyembre 14.

Dumating si Lula sa Maynila noong Biyernes para sa dalawang araw na state visit at pagdalo bilang Guest of the Chair sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at mga kaugnay na pagpupulong mula Nobyembre 15 hanggang 17.

Siya ang kauna-unahang nakaupong pangulo ng Brazil na nagsagawa ng state visit sa Pilipinas.

Sa kanyang pambungad na pahayag, inilarawan ni Marcos ang pagbisita ni Lula bilang isang “watershed moment,” lalo’t kasabay ito ng ika-80 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa.

Binati rin ni Marcos si Lula sa pagkakahalal muli bilang pangulo ng Brazil noong Oktubre para sa kanyang ikaapat na termino na hindi magkakasunod.

Ayon kay Marcos, umunlad na ang ugnayan ng Pilipinas at Brazil bilang isang malawak at masiglang partnership na nakabatay sa kanilang pinagsasaluhang pamana at paggalang sa isa’t isa.

Kabilang sa mga larangan ng kanilang kooperasyon ang kalakalan at pamumuhunan, agrikultura, enerhiya, depensa, turismo, agham at teknolohiya, edukasyon, at palitan ng mamamayan.

Ipinahayag din ng pangulo ang kumpiyansa na mas mapapalawak pa ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa mga larangan ng kalakalan, inobasyon, teknikal na kooperasyon at ugnayang panrehiyon at pandaigdig.

Bago ang pakikipagpulong kay Marcos, bumisita si Lula at ang kanyang asawang si First Lady Rosângela Lula da Silva sa Manila Cathedral.

Doon ay nagbigay-pugay sila sa replika ng imahe ng Our Lady of Aparecida, ang pangunahing patrona ng Brazil, na nakalagak sa Nuestra Señora del Pilar Chapel ng katedral.

Sa isang social media post, inilarawan ni Lula ang pagbisita bilang isang madamdaming sandali. Sinabi niyang nakaaantig makita ang isang mahalagang sagisag ng pananampalataya ng mga Brazilian na tinanggap nang may pagmamahal sa isang bansang malayo sa kanilang tahanan.

Dagdag pa niya, sumisimbolo ang presensya ng Our Lady of Aparecida sa Maynila sa pagkakaibigan, pananampalataya at pag-asang nag-uugnay sa mga mamamayan ng Brazil at Pilipinas. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here