MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malacañang ang mga estudyante at grupong tumututol sa Pax Silica Initiative na magsumite ng position paper at makipagdayalogo sa pamahalaan upang matugunan ang kanilang mga pangamba sa proyekto.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nitong Sabado, Nobyembre 14, mas mainam na ilahad nang detalyado ang mga isyu sa halip na idaan lamang sa kilos-protesta habang idinaraos ang 49th ASEAN Summit sa Pilipinas.
“Mas magandang makipag-usap, ilahad ang kanilang mga naisin, gumawa ng anumang position paper, mga panawagan na maaaring idaan sa mas mahinahon na talakayan,” ani Castro.
Sinabi rin niyang batid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga protesta at bukas ang administrasyon na pakinggan ang mga partikular na hinaing ng mga estudyante.
Kasunod ito ng mga campus walkout at demonstrasyon laban sa US-led Pax Silica Initiative at nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa bansa.
Ang Pax Silica ay isang inisyatiba ng Estados Unidos na naglalayong palakasin ang supply chain para sa advanced technology, kabilang ang semiconductors, critical minerals at iba pang kaugnay na industriya.
Kabilang sa mga pangamba ng mga grupong tumututol dito ang posibleng epekto sa kalikasan, suplay ng tubig at kuryente, at karapatan ng mga katutubong komunidad sa Tarlac.
Samantala, sinabi ni Castro na ipinag-utos ng Pangulo sa mga awtoridad ang maximum tolerance sa pagharap sa mga demonstrador.
Gayunman, iginiit niyang may tungkulin pa rin ang pulisya na ipatupad ang batas kapag may nagaganap umanong paglabag.
Nauna nang sinabi ng US Embassy na walang nakatakdang anunsyo tungkol sa Pax Silica Economic Security Zone sa ASEAN Summit, habang nagpapatuloy ang pag-uusap ng Pilipinas at Estados Unidos kaugnay ng panukalang kasunduan. RNT