Home NATIONWIDE Extradition case ni Quiboloy, maaaring desisyunan sa loob ng 30 araw

Extradition case ni Quiboloy, maaaring desisyunan sa loob ng 30 araw

1
0

MANILA, Philippines – Maaaring maglabas ng desisyon ang Makati Regional Trial Court (RTC) sa extradition petition laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy sa loob ng 30 araw matapos makumpleto ang mga kinakailangang dokumento o pagdinig, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Ipinaliwanag ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez na summary in nature ang extradition proceedings, kaya maaaring magpasya ang korte batay lamang sa mga isinumiteng dokumento nang hindi na nagsasagawa ng pagdinig.

Sa ilalim ng Rules on Extradition Proceedings ng Supreme Court, may 30 calendar days ang korte upang magdesisyon mula sa pagtanggap ng huling pleading o pag-expire ng panahon ng paghahain nito kung walang testigong ipiprisinta. Kung may mga testigo, bibilangin ang 30 araw matapos maiprisinta ang huling testigo.

Nauna nang naglabas ang Makati RTC Branch 145 ng extradition arrest warrant at hold departure order laban kina Quiboloy, Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag noong Nobyembre 12.

Kaugnay ito ng extradition petition na inihain ng DOJ noong Nobyembre 9 sa ngalan ng pamahalaan ng Estados Unidos.

Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng tatlo sa US ang mga alegasyon ng human trafficking, sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling.

Ayon sa DOJ, kailangang matukoy ng korte kung natutugunan ng extradition request ang mga rekisito ng batas at extradition treaty ng Pilipinas at Estados Unidos.

Kabilang dito ang pagkakakilanlan ng mga respondent at kung ang mga kasong isinampa sa US ay saklaw ng kasunduan ng dalawang bansa.

Samantala, maaari ring maapektuhan ng mga nakabinbing lokal na kaso ni Quiboloy ang aktuwal na pagpapatupad ng extradition sakaling aprubahan ito ng korte.

Maaaring ipagpaliban ang kanyang paglilipat sa US habang nagpapatuloy ang mga kaso sa Pilipinas, o payagan ang pansamantalang pagsuko sa kustodiya ng mga awtoridad ng Amerika sa ilalim ng naaangkop na proseso.

Nauna nang itinanggi ni Quiboloy ang mga alegasyon laban sa kanya.

Hindi pa nangangahulugang aprubado na ang extradition dahil lamang sa paglalabas ng arrest warrant. Ang korte pa rin ang magpapasya kung natutugunan ang mga legal na rekisito upang maipadala siya sa Estados Unidos. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here