Home NATIONWIDE Pag-iwas sa sigalot, ‘di pagsuko sa karapatan ng Pinas – NSA

Pag-iwas sa sigalot, ‘di pagsuko sa karapatan ng Pinas – NSA

1
0

MANILA, Philippines – Hindi dapat maging kapalit ng pagpapanatili ng kapayapaan sa South China Sea ang pagsuko sa mga karapatang pandagat ng Pilipinas at iba pang bansa sa rehiyon, ayon kay National Security Adviser Eduardo Oban Jr.

Sa kanyang talumpati sa Manila Dialogue on the South China Sea noong Linggo, Nobyembre 15, binigyang-diin ni Oban na hindi nangangahulugang may tunay na kapayapaan dahil lamang walang nagaganap na armadong labanan.

Nagbabala ang opisyal na maaaring magpatuloy ang pananakot, paghihigpit sa legal na paglalayag at panggigipit sa mga bansa kahit walang direktang sagupaang militar.

Tinukoy niya ang tinatawag na “strategic erosion,” kung saan unti-unting nagiging normal ang mga pagkilos na pumipigil sa karapatan at kalayaan ng ibang bansa sa karagatan.

Hinimok din ni Oban ang Pilipinas at mga katuwang na bansa na palakasin ang kanilang kakayahang ipagtanggol ang mga karapatang pandagat, maiwasan ang mga krisis at mapanatili ang katatagan ng rehiyon hanggang 2031 at sa mga susunod pang taon.

Samantala, iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na dapat nakabatay sa international law ang pagtatanggol ng Pilipinas sa mga karapatan nito sa karagatan, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Kasabay nito, hindi pa rin naisapinal ang Code of Conduct (COC) sa South China Sea sa pagitan ng ASEAN at China, bagama’t may pansamantalang pagkakasundo na sa humigit-kumulang 80 porsiyento ng draft.

Magpapatuloy ang negosasyon sa ilalim ng ASEAN chairmanship ng Singapore sa 2027.

Ang Manila Dialogue, na ginaganap mula Nobyembre 15 hanggang 17, ay bahagi rin ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 arbitral ruling na kumilala sa mahahalagang karapatang pandagat ng Pilipinas at nagpawalang-bisa sa legal na batayan ng malawak na maritime claims ng China sa ilalim ng UNCLOS. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here