Home NATIONWIDE Justice Lazaro-Javier, nagretiro na may zero-backlog record

Justice Lazaro-Javier, nagretiro na may zero-backlog record

1
0

MANILA, Philippines – Opisyal nang nagretiro ngayong Lunes, Nobyembre 16, si Supreme Court Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier matapos ang 49 taong serbisyo sa pamahalaan, na may zero-backlog record sa kanyang karera bilang mahistrado.

Pinarangalan siya ng Korte Suprema sa isang ceremonial retirement program noong Oktubre 27 sa SC En Banc Session Hall, na dinaluhan ng lahat ng incumbent Associate Justices.

Kabilang sa mga iginawad sa kanya ang Judicial Medal of Distinction, isang mataas na pagkilalang ibinibigay sa mga nagreretirong mahistrado na walang kasong nanatiling hindi nadesisyunan nang lampas sa 24-buwang panahong itinakda ng Konstitusyon.

Ayon sa Supreme Court, napanatili ni Lazaro-Javier ang zero-backlog docket noong nagsilbi siya sa Court of Appeals at maging sa kanyang panunungkulan sa pinakamataas na hukuman.

Bago naging mahistrado, nagsimula siya bilang guro at nagsilbi nang mahigit dalawang dekada sa Office of the Solicitor General, kung saan umangat siya mula Trial Attorney hanggang Assistant Solicitor General.

Nagsilbi rin siya nang mahigit 11 taon sa Court of Appeals bago italaga bilang ika-182 Associate Justice ng Supreme Court noong Marso 7, 2019.

Si Lazaro-Javier, na kilala rin bilang “Bar Mom,” ang namuno sa 2025 Philippine Bar Examinations.

Aktibo rin siya sa pagsusulong ng gender responsiveness, juvenile justice at mga programang may kaugnayan sa kapakanan ng kababaihan sa hudikatura.

Sa kanyang mensahe sa pagreretiro, binigyang-diin ni Lazaro-Javier ang pagmamahal at paglilingkod sa kapwa bilang mahahalagang batayan ng kanyang karera sa pamahalaan.

Nagretiro siya sa edad na 70, ang mandatory retirement age para sa mga mahistrado ng Supreme Court.

Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here