MANILA, Philippines – Nagpahayag ng interes ang isang kumpanyang nakabase sa Belgium na magtayo ng oil refinery at depot sa Pilipinas nang hindi umano mangangailangan ng pondo mula sa pamahalaan.
Ayon kay Senate Committee on Energy Chairman Sen. Erwin Tulfo, nakatanggap siya ng liham mula sa Brightside Industries Group, LLC na naglalaman ng panukalang proyekto.
Sinabi ni Tulfo na maaaring makatulong ang karagdagang pasilidad sa pagpapalakas ng suplay ng langis sa bansa, partikular sa panahon ng tensyon o kaguluhan sa Middle East.
Gayunman, binigyang-diin ng senador na kailangang direktang makipag-ugnayan ang kumpanya sa Department of Energy (DOE) para sa pormal na negosasyon at posibleng kasunduan.
Aniya, dapat munang suriin ni Energy Secretary Sharon Garin ang mga kondisyon ng panukala, lalo na ang pahayag ng Brightside na walang pondong ilalabas ang pamahalaan para sa pagtatayo ng oil depot.
Inihalintulad ni Tulfo ang interes ng Brightside sa naunang panukala ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC) ng United Arab Emirates na magtatag ng strategic oil storage facility sa Pilipinas.
Noong Oktubre 29, nakipagpulong ang delegasyon ng Pilipinas sa mga opisyal ng ADNOC upang talakayin ang posibilidad ng pagtatayo ng oil storage hub na maaaring magsilbi sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asya.
Ayon kay Tulfo, posibleng gamitin din ng Brightside ang pasilidad sa pag-iimbak ng langis na ibebenta sa mga karatig-bansa.
Wala pang kumpirmadong pinal na kasunduan, halaga ng pamumuhunan o lokasyon para sa panukalang proyekto ng Brightside.