MANILA, Philippines – Pansamantalang walang bentahan ng ₱20 kada kilong bigas sa lahat ng P20 Centers sa Metro Manila mula Lunes, Nobyembre 16, hanggang Miyerkules, Nobyembre 18, 2026, bilang bahagi ng paghahanda para sa 49th ASEAN Summit.
Kasabay ito ng pagdedeklara ng Malacañang sa tatlong araw bilang special non-working days sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng Proclamation No. 1447.
Magbabalik ang bentahan ng murang bigas sa Huwebes, Nobyembre 19.
Layunin ng deklarasyon na mabawasan ang pagsisikip ng trapiko at matiyak ang seguridad ng mga delegado at iba pang kalahok sa ASEAN Summit.
Ang ₱20 kada kilong bigas ay bahagi ng programang “Benteng Bigas, Meron Na!” ng pamahalaan na nagbibigay ng subsidized rice sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Kabilang dito ang senior citizens, persons with disabilities, solo parents, minimum wage earners, public transport workers, mahihirap na pamilya, at mga rehistradong magsasaka at mangingisda.
Nagmula ang mga bigas sa imbentaryo ng National Food Authority (NFA), habang ipinatutupad ang subsidy sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI).
Samantala, ang pansamantalang suspensiyon ay para lamang sa mga P20 Centers sa NCR at hindi nangangahulugang itinigil na ang programa sa buong bansa. RNT