Home NATIONWIDE Mabagal na WiFi sa ASEAN dahil sa dagdag na cybersecurity protocols –...

Mabagal na WiFi sa ASEAN dahil sa dagdag na cybersecurity protocols – DICT

1
0

MANILA, Philippines – Panandaliang naputol ang internet connection sa International Media Center (IMC) sa World Trade Center sa Pasay City nitong Linggo ng umaga bago naibalik makalipas ang ilang minuto, bagama’t nanatili itong mabagal.

Nangyari ang aberya habang ginagamit ng mga lokal at dayuhang mamamahayag ang pasilidad para sa coverage ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Nauna nang ipinaliwanag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Robert Joseph de Claro na ang karagdagang cybersecurity protocols ang nagpapabagal sa WiFi connection sa media center.

Sa isang pahayag, sinabi ni De Claro na hindi ang internet speed na pumapasok sa World Trade Center ang problema kundi ang mga karagdagang security checks na kailangang pagdaanan ng koneksyon bago makarating sa mga gumagamit.

Sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Lino Cayetano na maayos ang wired internet connection at WiFi lamang ang nakararanas ng problema. Nangako siyang aayusin ito sa loob ng araw.

Binigyang-diin din ni Cayetano na wala silang natukoy na partikular na banta sa media center at bahagi lamang ng pinaigting na pagsusuri ang mga karagdagang security measures.

Iniugnay ni De Claro ang muling pagsusuri sa cybersecurity protocols sa mga naging aberya sa Microsoft services at air traffic control systems sa Estados Unidos.

Gayunman, nilinaw ng Microsoft na hindi cyberattack ang sanhi ng kanilang outage kundi teknikal na problema kasunod ng isang network-capacity upgrade. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here