Home NATIONWIDE Pagtulong sa mga walang tirahan, ‘di lamang para sa ASEAN; bahagi ng...

Pagtulong sa mga walang tirahan, ‘di lamang para sa ASEAN; bahagi ng programa mula 2023 – DSWD

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi pansamantala o para lamang sa ASEAN Summit ang pagtulong nito sa mga taong walang tirahan at naninirahan sa lansangan.

Paliwanag ng ahensiya, bahagi na ng kanilang mga programa mula 2023 ang mga interbensiyon sa ilalim ng “Pag-abot Program,” na nagbibigay ng tulong at suporta para makabalik sa kanilang mga komunidad ang mga pamilyang at indibidwal na nasa lansangan.

Ito ang paglilinaw ng DSWD kasunod ng mga alegasyong itinatago umano ng pamahalaan ang mga mahihirap at inaalis ang mga palaboy sa mga kalsada bago ang international gathering.

Ayon kay DSWD Innovations and Program Development Group Undersecretary Edu Punay, mula Oktubre 5 hanggang Nobyembre 15 ay naabot at nasuri ng ahensiya ang 754 na indibidwal na nasa lansangan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan ng Maynila, Makati, Parañaque, Pasay at Taguig.

Sa bilang na ito, 476 ang naibalik sa kanilang mga probinsiya o komunidad matapos mabigyan ng tulong, habang 278 ang nananatili sa Pag-abot Processing Center sa Pasay City.

Kabilang sa mga natanggap na tulong ang pagkain, matutuluyan, serbisyong medikal, pamasahe at kabuhayan.

Itinanggi rin ni Punay na ngayon lamang pinaigting ang operasyon upang pagandahin ang imahe ng pamahalaan sa harap ng mga dayuhang delegado.

Mula nang ilunsad ang programa noong 2023, mahigit 35,000 indibidwal na nasa lansangan na ang naitala at halos 26,000 ang naibalik sa kanilang mga probinsiya o komunidad.

Binigyang-diin ni Punay na boluntaryo ang pagtanggap ng tulong at walang sapilitan sa programa.

“Walang pilitan dahil ang ating approach ay human rights-based, ang aming battle cry: pwedeng kulitin, bawal pilitin,” ani Punay.

Ang Pag-abot Program ay isa sa mga pangunahing programa ng DSWD sa ilalim ni Secretary Rex Gatchalian at pinagtibay sa pamamagitan ng Executive Order No. 52 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here