MANILA, Philippines – Matinding sinopla ni Senator-judge Panfilo Lacson si dating Chief Presidentila Legal Salvador Panelo sa pagsasabing “honest mistake” ang paglalagay ni Vice President Sara Duterte ng kompanyang GenCorp sa kanyang State of Assets and Liabilities Net Worth (SALN).
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na puwedeng maging isang “double-edged sword” ang isang “honest mistake” na maaari itong isang hindi sinasadyang pagkakamali na naglalantad ng katotohanan, o tunay na pagkabulag sa isang bagay na nagiging dahilan upang mapagkamalang katotohanan ang kasinungalingan.
“At tanging ang taong nasa likod nito ang makapagsasabi kung alin dito ang naganap,” giit ni Lacson.
Reaksiyon ito ni Lacson matapos igiit ni Panelo na nagkaroon lamang ng “honest mistake” si Vice President Sara Duterte-Carpio nang isama nito ang GenCorp Industries Inc. sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
“‘HONEST MISTAKE’”: It is a double-edged sword. Its meaning depends on the state of mind and intent of the person behind it. It can be an inadvertent slip that exposes the truth, or a genuine blind spot that mistakes falsehood for reality. Ultimately, only the person responsible can say which is which,” pahayag niya sa X.
Si Panelo, ama ni Salvador Paolo Panelo Jr. na tagapagsalita ng Bise Presidente, ay nagsabing nagkamali lamang si Duterte-Carpio nang ideklara nitong business interest ang GenCorp sa kanyang SALN.
Sa impeachment trial noong nakaraang linggo, binanggit ni Lacson ang mga terminong “loose investment” at “return of capital” bilang ilan sa mga salitang isinama sa isang bagong “impeachtionary” glossary na binuo mula sa mga terminong lumitaw sa paglilitis.
Nabanggit ang terminong “loose investment” nang sabihin ni GenCorp counsel Suzette Punay na tumanggap ang Bise Presidente ng P2.14 milyon mula sa GenCorp noong 2022 hanggang 2025 bilang “return of capital” mula sa isang “loose investment” na ginawa nito sa isang sangay ng Jollibee sa Davao City.
Ayon kay Punay, namuhunan ang Bise Presidente sa naturang sangay noong 2007, at inilipat kapwa ang sangay at ang kanyang puhunan nang magpalit-palit ng kumpanyang namahala sa operasyon nito.
Idinagdag niya na wala namang shareholdings o posisyon sa GenCorp ang Bise Presidente mula 2022 hanggang 2025.
Samantala, sinabi ni Lacson na salungat sa lohika at maging sa sentido komon ang pagdedeklara sa SALN ng isang asset na hindi naman kailanman pag-aari ng nagdedeklara – isang obserbasyong sinang-ayunan maging ni Punay. Ernie Reyes