Home NATIONWIDE Obispo, hinimok publiko na magplano, magtipid ng tubig sa posibleng epekto ng...

Obispo, hinimok publiko na magplano, magtipid ng tubig sa posibleng epekto ng El Niño

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Antipolo Bishop Ruperto Cruz Santos ang mga Pilipino na higit pa sa pagbili ng mga timba ang gawin upang makapaghanda sa posibleng kakulangan ng tubig dulot ng El Niño.

Sa kanyang mensaheng inilathala sa opisyal na Facebook page ng Roman Catholic Diocese of Antipolo nitong Lunes, sinabi ni Santos na mahalaga ang paghahanda, ngunit kailangan din ang maayos na pagpaplano, disiplina at malasakit sa kapwa.

Binigyang-diin niya na hindi sapat ang pagkakaroon ng maraming timba at lalagyan ng tubig upang masolusyunan ang kakulangan sa suplay.

Ayon sa obispo, maaaring maapektuhan ng matagal na tagtuyot hindi lamang ang suplay ng tubig kundi pati kabuhayan ng mga magsasaka, produksyon ng pagkain, kalusugan ng mga bata at senior citizen, at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga pamilya.

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng magdulot ang Super El Niño ng matagal na panahon ng tagtuyot, pagbaba ng suplay ng tubig at matinding init sa ilang bahagi ng bansa. Inaasahang lalakas ang epekto nito sa pagtatapos ng taon at maaaring magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027.

Nauna nang hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko na bumili ng mga timba upang pag-ipunan ng tubig-ulan.

Hinimok naman ni Santos ang mga awtoridad na tiyakin ang sapat at maaasahang suplay ng tubig, kumpunihin ang mga sirang tubo, pangalagaan ang mga dam at watershed, maghanap ng alternatibong pinagkukunan ng tubig at magpatupad ng patas na sistema ng distribusyon.

Nanawagan din siya ng konkretong tulong para sa mga magsasaka, mangingisda, mahihirap na komunidad at mga pamilyang higit na maaapektuhan.

Pinayuhan naman ang publiko na magtipid ng tubig sa pamamagitan ng pagkukumpuni ng mga tagas, pag-iwas sa hindi kailangang paggamit, pag-iipon ng tubig-ulan at muling paggamit ng tubig sa paglilinis o pagdidilig ng halaman.

Hinimok din niya ang lahat na pangalagaan ang mga ilog, sapa, kagubatan at watershed, at makiisa sa mga programang nagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here