MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na hindi maaaring gawing taguan ng mga dayuhang pugante ang Pilipinas at iniutos ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga dayuhang hinahanap dahil sa mga kasong kriminal sa kanilang mga bansa.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kasunod ito ng pagkakaaresto sa isang Chinese national na halos 12 taon nang overstaying sa Pilipinas at nahaharap sa kasong fraud sa South Korea.
Inaresto ang suspek ng mga operatiba ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Barangay Sto. Domingo, Angeles City, Pampanga noong Nobyembre 13.
Ipinatupad ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inilabas ng Seoul Western District Court sa South Korea.
Kinumpirma naman ng Bureau of Immigration (BI) na ilegal nang nananatili sa Pilipinas ang Chinese national matapos mag-expire ang kanyang awtorisadong pananatili noong Disyembre 1, 2014.
Nananatili sa kustodiya ng arresting unit ang suspek.
Iniutos ni Nartatez sa mga kinauukulang yunit ng PNP na palakasin ang koordinasyon sa BI upang matukoy, mabantayan at mahanap ang mga dayuhang overstaying o posibleng sangkot sa mga krimen.
Tiniyak din niya na patuloy na makikipagtulungan ang PNP sa mga lokal at international counterparts upang hindi magamit ang teritoryo ng bansa bilang kanlungan ng mga taong umiiwas sa batas. RNT/MDS