Home NATIONWIDE Unang Ginang Lisa, nanawagan ng mas matibay na pandaigdigang pagtutulungan vs online...

Unang Ginang Lisa, nanawagan ng mas matibay na pandaigdigang pagtutulungan vs online abuse, exploitation sa mga bata

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos ng mas matibay na kooperasyon sa pagitan ng mga bansa upang maprotektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso at pagsasamantala sa internet.

Hinikayatng Unang Ginang ang mga pamahalaan, paaralan, pamilya at pribadong sektor na magkaisa upang matiyak ang isang ligtas na digital na kapaligiran para sa kabataan.

Sa ginanap na Fostering the Future Together gathering sa Hilton Manila sa Pasay City nitong Lunes, sinabi ni Unang  Ginang Lisa na ang online protection o kaligtasan ng mga bata sa internet ang magiging pangunahing prayoridad ng Pilipinas sa ilalim ng pandaigdigang inisyatibong “Fostering the Future Together.”

Ang pagtitipon ay dinaluhan ng Unang Ginang, mga opisyal ng pamahalaan, mga guro, tagapagtaguyod ng karapatan at kaligtasan ng mga bata, gayundin ng mga kinatawan mula sa pribadong sektor.

Kabilang din sa mga dumalo sina Malaysia’s H.E. Dr. Wan Azizah Wan Ismail at Mrs. Lawrence Wong ng Singapore, kasama ang iba pang mga international delegate at kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.

Nakatuon ang inisyatibo sa apat na pangunahing larangan: AI in Education, EdTech Tools, Online Protection at Digital Skills.

“Bagama’t mahalaga ang lahat ng larangang ito, nais kong bigyang-pansin ang online protection bilang pangunahing prayoridad ng Pilipinas,” pahayag ni Unang Ginang Lisa.

Binanggit din niya ang mga ulat na nagsasabing nasa edad 10 ang karaniwang edad ng mga batang Pilipino nang una silang magkaroon ng access sa internet. Ayon sa kanya, ang maagang pagkakalantad ng mga bata sa mga digital platform ay maaaring maglantad sa kanila sa panganib ng online abuse at exploitation.

Nanawagan siya sa mga pamahalaan at lider ng pribadong sektor na palakasin ang mga hakbang at proteksyon laban sa mga banta sa internet, habang ginagamit ang makabagong teknolohiya upang suportahan ang edukasyon at pag-unlad ng mga bata.

Sa kabilang dako, kinilala rin ng Unang Ginang ang mahalagang papel ng Child Protection Network sa pagpigil at pagtugon sa pang-aabuso sa mga bata sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga eksperto at pagsasanay sa mga frontline child protection worker, kabilang ang mga hukom, piskal, social worker at pulisya.

Binati rin niya ang Child Protection Network at mga katuwang nitong Childlight Global Child Safety Institute, Consuelo Zobel Alger Foundation at UNICEF Philippines sa pag-oorganisa ng ika-18 AKO PARA SA BATA Conference kasabay ng nasabing pagtitipon.

Hinikayat din ng Unang Ginang ang mga kumpanya ng teknolohiya at mga katuwang sa negosyo na isulong ang responsable at makataong paggamit ng mga digital tool para sa kapakanan ng mga bata.

“Malawak ang problemang ito, seryoso at hindi kinikilala ang mga hangganan ng bansa. Kaya naman sa harap ng pandaigdigang komunidad, nananawagan ako sa ating lahat na gumawa ng higit pa—sa ating mga tahanan, paaralan, komunidad at lalo na sa internet,” pahayag ng First Lady.

Binigyang-diin niya na hindi dapat manatili sa kamalayan at adbokasiya lamang ang pagtugon sa problema. Sa halip, dapat itong mauwi sa konkretong aksyon sa pamamagitan ng mas matibay na ugnayan ng mga pamahalaan, paaralan, pamilya, civil society at pribadong sektor.

“Ang teknolohiya ay dapat maging kasangkapan sa edukasyon, hindi sa pananakit; daan sa pagkatuto, hindi sa karahasan; at puwersang nagpapalawak ng mga oportunidad sa halip na lumilikha ng mga bagong panganib,” dagdag niya.

Ayon pa kay Unang Ginang Lisa, mahalagang pagkakataon ang pagtitipon upang mailagay sa sentro ng mga panrehiyon at pandaigdigang programa ang kapakanan ng mga bata at kabataan, kasabay ng pagtitipon ng mga lider para sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Maynila.

Ibinahagi rin ni First Lady Araneta-Marcos ang kanyang pagdalo sa naunang Fostering the Future Together gathering sa New York noong Setyembre, sa pangunguna ni United States First Lady Melania Trump. Dito ay nangako ang mga First Spouse mula sa iba’t ibang bansa na sama-samang isusulong ang kapakanan at kinabukasan ng mga bata.

Sa pamamagitan ng isang recorded message, nagpasalamat si First Lady Melania Trump kay First Lady Araneta-Marcos sa pagtitipon ng mga kinatawan mula sa Southeast Asia at kinilala ang mga pagsisikap ng rehiyon na isulong ang teknolohiya at edukasyon.

Samantala, ayon kay Melania Trump, halos 60 bansa na ang kabilang sa pandaigdigang koalisyon. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbibigay sa susunod na henerasyon ng sapat na kaalaman at kakayahan upang makilahok sa pandaigdigang ekonomiya at maabot ang kanilang mga pangarap.

Binigyang-diin din ng delegasyon ng Estados Unidos ang matibay na ugnayan ng Pilipinas at Amerika sa pagsusulong ng edukasyon, digital literacy at ligtas na paggamit ng mga bagong teknolohiya, partikular na ang artificial intelligence o AI.

Binanggit din  nya ang $25 milyong pondong ipinangako ng mga katuwang na kumpanya sa teknolohiya kasunod ng pagpupulong ng dalawang First Lady sa New York noong Setyembre. Layunin nitong palawakin ang access ng mga bata sa edukasyon, pagpapaunlad ng kasanayan at inobasyon.

Muling pinagtibay ng Estados Unidos ang pakikipagtulungan nito sa mga ahensiya ng law enforcement, mga piskal at mga organisasyong nagtataguyod ng karapatan ng mga bata sa Pilipinas upang labanan ang online child exploitation at iba pang krimeng naglalagay sa panganib sa mga menor de edad.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, binigyang-diin ni Unang Ginang Lisa ang tanyag na pahayag ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”

Nanawagan siya para sa isang kinabukasang ang bawat bata ay ligtas, pinahahalagahan, napoprotektahan at nabibigyan ng pagkakataong maabot ang kanilang buong potensyal.

“Bigyan natin ang kabataan ng pagkakataong mangarap. Let us build a world where the youth can dream,” pagtatapos ng Unang Ginang. (KRIS JOSE) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here