MANILA, Philippines – Nilinaw ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert C. De Leon na hindi lahat ng nakabinbing FY 2024 Performance-Based Bonus (PBB) ay nasa DBM na para iproseso.
Ginawa niya ang paglilinaw sa gitna ng paghihintay ng maraming kawani ng pamahalaan sa kanilang bonus.
Ipinaliwanag ni De Leon na magkaiba ang taon ng performance at taon ng paglalabas ng bonus. Ang FY 2024 PBB ay pagkilala sa naging performance ng mga empleyado noong 2024, ngunit kailangan muna itong dumaan sa assessment, validation at funding procedures bago maibigay.
Kailangang makakuha ang ahensiya ng hindi bababa sa 70 puntos sa apat na assessment areas: Performance, Process, Financial at Citizen/Client Satisfaction. Kailangan din namang may rating na hindi bababa sa Very Satisfactory ang empleyado.
Matapos ang validation, maglalabas ng Final Eligibility Assessment Report (FEA Report). Mula sa pagtanggap nito, may 20 calendar days ang ahensiya para isumite sa DBM ang Form 1.0 bilang bahagi ng pagproseso ng pondo.
Ayon kay De Leon, sa yugtong ito pa lamang pumapasok ang DBM sa pagproseso ng PBB. Kaya mahalagang alamin muna kung nasaan na sa proseso ang bawat ahensiya.
Upang mabigyan ng impormasyon ang mga empleyado, inilunsad ng DBM noong Nobyembre 6, 2026 ang PBB Tracker na nagbibigay ng lingguhang update kung nasa assessment, pagkumpleto ng dokumento o funding release na ang isang ahensiya.
Tiniyak ni De Leon na agad nilang ipoproseso ang mga bonus kapag kumpleto at tama na ang mga kinakailangan at nasa DBM na ang mga dokumentong dapat aksiyunan.
Pinaalala rin ng DBM na kahit nailabas na ang Notice of Cash Allocation (NCA) o Special Allotment Release Order (SARO), hindi pa ito nangangahulugang naipasok na sa bank account ng mga empleyado ang bonus. Kailangan pang tapusin ng ahensiya ang payroll at payment procedures.
Para malaman ang kanilang eligibility at iskedyul ng pagbabayad, pinapayuhan ang mga empleyado na makipag-ugnayan sa Human Resources, Accounting o Payroll Office ng kanilang ahensiya. Jocelyn Tabangcura-Domenden