TAGUIG CITY, Philippines – Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang P20.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay New Lower Bicutan, Taguig City, sa kabila ng malawakang deployment ng mga pulis para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Arestado ang dalawang suspek nitong Lunes, kabilang ang isang driver ng transport network vehicle services na kinilala ng pulisya bilang high-value target, at isang fast-food worker. Pareho silang residente ng Barangay Central Bicutan.
Tinatayang tatlong kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa mga suspek. Nakalagay ang mga ito sa tatlong vacuum-sealed na kulay-lilang tea bag na may markang Chinese characters, larawan ng barko at numerong 888.
Nasagip din ang isang walong taong gulang na bata na natagpuan kasama ng mga suspek. Ipinagkatiwala ito sa mga tauhan ng barangay na humahawak sa mga kaso ng Violence Against Women and Children para sa kaukulang interbensiyon.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nagpapatuloy ang anti-drug at anti-criminality operations ng pulisya sa kabila ng halos 20,000 tauhang ipinakalat para tiyakin ang seguridad ng ASEAN Summit.
Binigyang-diin niya na hindi dapat maging pagkakataon sa mga kriminal ang pagtutok ng pulisya sa seguridad ng mga summit venue, hotel, tinutuluyang lugar at ruta ng mga motorcade. RNT/MDS