ILIGAN CITY, Philippines – Umabot sa 9,348 pamilya mula sa 17 barangay ang naapektuhan ng matagal na tagtuyot dulot ng El Niño sa Iligan City, habang 422 ektarya ng lupang sakahan ang napinsala.
Batay ito sa pinagsama-samang resulta ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ng lungsod.
Katumbas ng 11.16 porsiyento ng kabuuang 83,773 sambahayan sa lungsod ang mga apektadong pamilya, batay sa datos ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS).
Samantala, nasa 0.52 porsiyento naman ng kabuuang 81,337 ektarya ng lupang agrikultural sa lungsod ang napinsala.
Ayon sa City Agriculturist’s Office (CAO), pinagsama-sama nito ang mga ulat mula sa aktuwal na pagsusuri sa mga barangay na sinimulan noong Agosto 13. Kabilang sa mga lubhang naapektuhang pananim ang palay sa kabundukan at mais, partikular sa mga liblib na komunidad.
Nagtapat ang tagtuyot mula Hulyo hanggang Setyembre sa panahon ng pagtatanim, kaya naapektuhan ang produksiyon ng mga pananim.
Ayon kay Kevin Fernan, agriculture focal person ng pamahalaang lungsod, 11 barangay ang nagsumite ng mga resolusyon tungkol sa epekto ng matinding init at kakulangan sa tubig sa kanilang produksiyong agrikultural.
Sa paunang pagsusuri, wala namang natukoy na agarang suliranin sa mga pinagkukunan ng tubig na nangangailangan ng dagliang aksiyon.
Sinuri rin ng RDANA ang kabuhayan, kalusugan at iba pang mahahalagang serbisyo upang matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad, kabilang ang ayuda sa pagkain at serbisyong medikal para sa mga magsasaka.
Ayon kay Armien Alorro, pinuno ng Iligan City Disaster Risk Reduction and Management Department (ICDRRMD), magsisilbing batayan ang resulta ng pagsusuri sa pagtukoy ng mga kinakailangang hakbang at tulong mula sa lokal at pambansang pamahalaan.
Isusumite ang resulta kay Mayor Frederick Siao at sa City Disaster Risk Reduction and Management Council upang makabuo ng angkop na mga programa at interbensiyon.
Gagamitin din ang ulat sa paghahanda ng lungsod sa inaasahang Super El Niño sa unang quarter ng 2027. RNT/MDS