Home METRO Pag-alis ng mga pulis sa mga entrada ng UPD, hiniling

Pag-alis ng mga pulis sa mga entrada ng UPD, hiniling

1
0

MANILA, Philippines – Hiniling ng University of the Philippines Diliman (UPD) Committee on National Programs and Policies (CNPP) sa Philippine National Police (PNP) na alisin ang mga tauhang umano’y nagbabantay at humaharang sa mga pasukan ng unibersidad at mga kalapit na komunidad upang makasali sa mga protesta sa Maynila ang mga raliyista mula sa campus.

Sa pahayag nitong Nobyembre 17, sinabi ng komite na hinahadlangan ng presensiya ng mga pulis ang karapatan ng mga demonstrador na magtipon at magpahayag.

Ipinagtanggol din ng CNPP ang mga miyembro ng grupong Aeta na nananatili sa loob ng UP Diliman. Anila, hindi banta sa seguridad ang mga ito at nagtungo sa Metro Manila upang tutulan ang US-led Pax Silica na umano’y nagbabanta sa kanilang mga lupang ninuno.

Kinondena rin ng komite ang mga operasyon ng pulisya laban sa mga raliyista noong Nobyembre 15, nang harangin ng mga awtoridad ang martsa mula Liwasang Bonifacio patungo sa Philippine International Convention Center (PICC) at arestuhin ang ilang demonstrador.

Iniulat na nawalan umano ng malay ang isang raliyista matapos bugbugin sa insidente.

Sa Sucat, Muntinlupa City, marahas ding binuwag ng pulisya ang Lakbayan ng Timog Katagalugan at inaresto ang tinatayang 300 katao, kabilang ang 22 media worker at campus journalist mula sa UP Diliman, UP Los Baños at iba pang paaralan.

Binanggit ng pulisya bilang dahilan ng mga pag-aresto ang kawalan umano ng permit, pagdaraos ng protesta sa labas ng mga itinalagang freedom park, at umano’y pagharang at panggugulo.

Ayon sa CNPP, ipinakikita ng mga pag-aresto, pananakot at matinding presensiya ng pulisya na hinahadlangan umano ng pamahalaan ang karapatan ng publiko na magtipon at magpahayag.

Hinimok din ng komite ang mga awtoridad na palayain ang mga indibidwal na anila’y hindi makatarungang ikinulong sa Metro Manila at mga karatig-lugar.

Nanawagan din ito sa pamahalaan na pahintulutan ang pagpapatuloy ng mga protesta sa kabila ng ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong.

Binigyang-diin ng CNPP na bahagi ng demokratikong lipunan ang pagpapahayag ng mga salungat na pananaw at malayang pagbabalita.

Muli nitong hinikayat ang publiko na ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan na magprotesta, gayundin ang kalayaan sa pamamahayag. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here