MANILA, Philippines – Patuloy ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapatupad ng livelihood interventions para sa mga agricultural communities sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Francis N. Tolentino, alinsunod sa pagsisikap ng Marcos Jr. administration na palakasin ang rural livelihoods at inclusive economic development.
Sa Negros Occidental, 31 magsasaka mula sa Barangay Masaling, Cauayan, ang makikinabang sa P 500,000 livelihood project matapos i-turnover ang “ASFA Feeds and Fertilizers Supply” noong Oktubre 12, 2026, sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).
Layon ng proyekto na magtayo ng community-based agricultural supply enterprise upang mas mapadali ang access ng mga benepisyaryo sa feeds at fertilizers, mapabuti ang kanilang araw-araw na operasyon sa pagsasaka, at makapagbukas ng karagdagang income-generating opportunities.
Sa Davao Region naman, nagkaloob ang DOLE ng P 350,000 livelihood grant sa 35 vegetable farmers sa Barangay Baracatan, Toril, Davao City, at namahagi ng tatlong Zappify units na nagkakahalaga ng PHP 1 milyon sa 200 rice farmers sa Barangay Basak, Nabunturan, Davao de Oro.
Ayon sa DOLE, ipinapakita ng mga inisyatibang ito na maaaring iangkop ang livelihood assistance sa partikular na pangangailangan ng bawat komunidad — sa pamamagitan man ng financial grants, access sa production inputs, o angkop na farming equipment.
Sa pamamagitan ng DILP, patuloy na isinusulong ng DOLE ang self-employment, pinapalakas ang kakayahan ng mga benepisyaryo na kumita, at sinusuportahan ang pagtatatag ng sustainable community-based enterprises para sa mga vulnerable sector. Jocelyn Tabangcura-Domenden