MANILA, Philippines – Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mas malapit na pagtutulungan sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at India pagdating sa seguridad at kaligtasan sa karagatan, gayundin sa pagpapalawak ng kalakalan at pamumuhunan.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang panawagan sa kanyang pambungad na pahayag bilang tagapangulo ng ASEAN sa ika-23 ASEAN-India Summit, araw ng Martes.
Ayon sa Pangulo, mahalagang palakasin ang kooperasyon sa seguridad pandagat, pangangalaga sa kapaligiran at pagpapaunlad ng ekonomiyang nakabatay sa yamang-dagat o blue economy, alinsunod sa ASEAN Outlook on the Indo-Pacific.
Malugod ding tinanggap ng Pangulo ang mga hakbang upang mapadali ang kalakalan at pamumuhunan, kabilang ang patuloy na pagsusuri sa ASEAN-India Trade in Goods Agreement.
Aniya, kumakatawan sa humigit-kumulang 1/4 ng populasyon ng mundo ang India at ASEAN kaya mahalagang pagtutulungan, sa halip na kompetisyon, ang maging pundasyon ng kanilang kinabukasan.
Ibinahagi rin ni Modi na mula noong 2014, nakapagsagawa na ang India at ASEAN ng mahigit 100 inisyatiba para palakasin ang ugnayan ng kanilang mga mamamayan, nakapaglunsad ng mahigit 250 quick-impact projects at nakapagkaloob ng mahigit 10,000 scholarship para sa pagpapaunlad ng kasanayan.
Binanggit din niya ang pagkakaroon ng direktang biyahe sa himpapawid sa pagitan ng India at siyam na bansang kasapi ng ASEAN, gayundin ang patuloy na paglago ng turismo.
Sa nalalapit na ika-35 anibersaryo ng ugnayang ASEAN-India sa 2027, hinimok ni Pangulong Marcos ang dalawang panig na gawing konkretong programa at pagkilos ang kanilang mga pinagsasaluhang layunin.
Ayon naman kay Modi, magsisilbing gabay sa kanilang mga adhikain ang ASEAN Community Vision 2045 at layunin ng India na maging maunlad na bansa pagsapit ng 2047. (KRIS JOSE)