CALOOCAN CITY, Philippines – ISO Certified na ang Caloocan City Medical Center (CCMC), isa sa mga ospital ng Caloocan na matatagpuan sa kahabaan ng A. Mabini Street.
Ang pagkamit ng ISO 9001:2015 ay nangangahulugan na ang mga proseso at serbisyo ng isang ospital ay naaayon sa pandaigdigang pamantayan.
Naipakita ng CCMC ang sistema nito mula sa pagtanggap hanggang sa pag-aasikaso sa mga pasyente, pagakakaroon ng maayos na koordinasyon ng iba’t ibang departamento ng ospital, at pagtiyak sa de-kalidad na serbisyo para sa mas maayos na kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan.
“Pinasasalamatan ko ang dedikasyon at pagsisikap ng ating healthcare workers na ating naaasahan anumang oras sa pangangalaga sa mga Batang Kankaloo,” pahayag ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan.
“Ang pagkamit natin ng ISO Certification ay magsisilbing inspirasyon upang mas pagbutihin pa natin ang ating mga serbisyo, isaayos ang ating mga pasilidad, itaas ang antas ng kalusugan, at kumpletuhin ang mga kagamitan na makakatulong sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng alkalde.
Samantala, ngayong taon din isinaayos ang emergency room at triage area, at nagbukas ang human milk bank sa CCMC. Hindi rin nahuhuli ang Caloocan City North Medical Center na mayroong bagong outpatient deparment building, at itinatayo na rin dito ang Physical Therapy Rehabilitation Unit, Ambulatory Surgical Unit, at Eye Center Unit. (Merly Duero)