Home HOME BANNER STORY Mga manggagawa sa pampublikong sektor sa France, magsasagawa ng nationwide strike

Mga manggagawa sa pampublikong sektor sa France, magsasagawa ng nationwide strike

1
0

PARIS, France – Naghahanda ang France sa panibagong malawakang protesta nitong Martes matapos manawagan ang mga unyon ng nationwide strike ng mga manggagawa sa pampublikong sektor upang igiit ang dagdag-sahod.

Aabot sa 5.8 milyon na empleyado ng pamahalaan ang hinikayat na lumahok sa pagkilos matapos mabigo ang pakikipag-usap ng mga unyon kay Prime Minister Sebastien Lecornu noong Biyernes.

Iginiit ng mga unyon ang pangkalahatang umento sa sahod matapos itaas noong nakaraang linggo ang minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Ayon sa mga kinatawan ng unyon, hindi sapat ang mga panukalang hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang agarang pangangailangan ng mga empleyado.

Ito na ang ikatlong panawagan para sa sama-samang pagkilos at welga ng mga manggagawa sa pampublikong sektor mula Setyembre. Sa naunang protesta ngayong buwan, daan-daang libong manggagawa ang nagmartsa at gumamit ng tear gas ang mga pulis nang magkaroon ng mga sagupaan sa ilang lungsod.

Sa Paris, nakatakdang magsimula ang pangunahing rali alas-2 ng hapon, habang may iba pang pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Tinatayang 40,000 hanggang 80,000 katao ang lalahok sa kabisera at 220,000 hanggang 300,000 sa buong France, ayon sa isang source sa pulisya na sinipi ng AFP.

Makikiisa rin sa mga protesta ang mga organisasyon ng kabataang manggagawa at mga aktibista ng Yellow Vest. Nagpapatuloy ang mga pagkilos sa bansa dahil sa mga hinaing kaugnay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at panukalang batas sa pulisya.

Nagpatupad na ang mga awtoridad ng restriksiyon sa mga hindi awtorisadong pagtitipon malapit sa ilang paaralan at unibersidad sa Paris. Pansamantala ring ipinagbawal ang pagbebenta ng mga paputok dahil sa pangambang magkaroon ng karahasan.

Layunin ng mga manggagawa sa pampublikong sektor na hikayatin ang pamahalaan na itaas ang batayang puntos na ginagamit sa pagkukuwenta ng kanilang sahod. Sa panukalang budget para sa 2027, hindi isinama ng pamahalaan ang pangkalahatang umento sa sahod sa ikaapat na magkakasunod na taon.

Ayon sa mga unyon, umabot na sa 16 porsiyento ang nawalang purchasing power ng mga kawani ng pamahalaan mula 2017 dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here