BULACAN, Philippines – Sugatan ang isang indibiduwal nang saksakin sa tiyan ng isang lalaki sa lungsod ng Baliwag nitong umaga ng Nobyembre 17.
Sa ulat ng Baliwag police station, kinilala ang biktima na si alyas JD habang ang naarestong suspek ay si alyas JL, 36 anyos.
Ayon sa ulat ng istasyon, naganap ang insidente bandang 8:55 ng umaga sa Brg. Sta. Barbara.
Base sa paunang imbestigasyon, binuksan ng biktima ang pintuan ng kanilang bahay nang bigla siyang saksakin ng suspek gamit ang kitchen knife.
Agad na tumakas ang suspek habang dinala ng mga tanod ang biktima sa ospital para sa paunang lunas.
Nang makatanggap ang istasyon ng ulat sa pamamagitan ng 911 hotline ay agad silang nagsagawa ng follow-up at hot pursuit operation kaya naaresto kalaunan ang suspek.
Dinala ang suspek sa istasyon para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang kaukulang kaso.
Sinasabing kasalukuyang nagpapagaling na ang biktima sa isang ospital. (Dick Mirasol III)