MANILA, Philippines – Wala nang natitirang backlog sa mga administrative case sa National Police Commission (Napolcom) matapos maresolba ang 4,000 reklamong nakabinbin nang hanggang 25 taon.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Ralph Calinisan, natapos nila ang pagresolba sa lahat ng lumang kaso sa loob ng walong buwan mula nang maupo siya sa puwesto. Tuluyan umanong naging zero ang backlog noong Disyembre 2025.
Sa ilalim ng bagong patakaran ng komisyon, kailangang maresolba ang mga bagong reklamo sa loob ng 60 araw o hindi lalampas sa 90 araw mula nang maisampa ang mga ito.
Sa pagsusuri sa mga lumang kaso, natuklasan na ang ilan sa mga sangkot na pulis ay pumanaw na, nagretiro o umangat na ang ranggo mula patrolman hanggang tenyente o heneral.
Gayunman, itinuloy pa rin ng Napolcom ang mga pagdinig at pagpapataw ng parusa sa mga nagkasalang pulis, kahit matagal na silang nagretiro, upang maputol ang kanilang mga benepisyo.
Kasabay nito, nalinis din ang pangalan at naibigay ang lump-sum benefits ng mga inosenteng pulis na nagsilbi nang 30 hanggang 40 taon ngunit naipit sa mga kasong harassment.
Alinsunod sa Article 16, Section 6 ng Konstitusyon at Republic Acts 6975 at 8551, mandato ng Napolcom ang pangangasiwa at pagkontrol sa Philippine National Police. ERIC OCAPAN







