MANILA, Philippines – Nagmungkahi ang Japan ng dalawang hakbangin sa isinagawang ika-4 na Asia Zero-Emission Community (AZEC) Leaders’ Meeting upang mapalakas ang seguridad sa suplay ng enerhiya sa gitna ng patuloy na krisis sa langis na dulot ng sigalot sa Middle East.
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na nagmungkahi ang Japan ng kooperasyon sa pag-iimbak ng langis at isang inisyatiba na tinatawag na Power Gulf.
“Hangad kong imungkahi ang isang hakbangin para sa pagtutulungan ng mga bansa sa Asya sa pag-iimbak ng langis sa pamamagitan ng paggamit sa mga tangke ng Japan na hindi kasalukuyang ginagamit. Maaari itong iugnay sa pinangungunahan ng Pilipinas na panukalang magkasanib na pag-iimbak ng langis,” ayon kay Takaichi, araw ng Lunes.
Dagdag pa niya, iminumungkahi rin ng Japan ang Power Gulf initiative, isang malawakang plano ng kooperasyon na naglalayong palakasin ang katatagan ng ekonomiya at suplay ng enerhiya ng mga bansa sa Gulf region sa Middle East.
Layunin nitong patatagin ang koordinasyon sa pagitan ng mga bansang gumagawa ng langis at mga bansang gumagamit nito sa Asya.
Sa ulat, nagkaroon ng pagkaantala sa paghahatid ng mga produktong petrolyo dahil sa sigalot sa Middle East, partikular sa Strait of Hormuz, na itinuturing na isa sa pinakamahalagang ruta ng pagluluwas ng langis sa buong mundo.
Dahil dito, nagkaroon ng pangamba sa suplay ng langis sa iba’t ibang bansa at nagtaasan ang presyo ng produktong petrolyo, kabilang na sa Pilipinas.
Inihayag din ni Takaichi na bubuo ang Japan ng Asia Oil Security Task Force, isang mekanismo na magsisilbing balangkas ng pagtutulungan ng mga bansa sa Asya pagdating sa pagkuha at pagbili ng langis sa panahon ng krisis.
Magsisilbi rin itong bersyon ng International Energy Agency (IEA) para sa Asya, na magkakaroon ng punong tanggapan sa Tokyo, Japan.
Bukod dito, ilulunsad din ng Japan ang Bridge Asia initiative na naglalayong bumuo ng isang magkakaugnay na pamilihan para sa mga bansa sa Asya.
Samantala, sinabi ni Trade Secretary Cristina Roque na limang kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang sumang-ayon sa panukalang mag-imbak ng langis sa rehiyon upang matugunan ang posibleng pagkaantala ng suplay.
Kabilang sa mga bansang sumuporta sa panukala ang Pilipinas, Singapore, Indonesia at Malaysia.
Layunin ng mga hakbanging ito na mapalakas ang pagtutulungan ng mga bansa sa Asya upang matiyak ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng langis, lalo na sa panahon ng pandaigdigang krisis sa enerhiya. (KRIS JOSE)