APARRI, Cagayan, Philippines – Ipinagbawal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pangingisda at paglalayag ng mga sasakyang-pandagat sa mga itinalagang no-sail zone sa karagatan malapit sa Fuga Island sa Nobyembre 21 at Barangay Dodan sa Nobyembre 24 dahil sa nakatakdang military live-fire exercises.
Gagamit ng mga live ammunition sa Counter-Landing Live Fire Exercises na bahagi ng Armed Forces of the Philippines Joint Exercise Dagat-Langit-Lupa (AJEX DAGIT-PA 10-26).
Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng bansa sa pagtatanggol sa mga baybayin nito.
Saklaw ng restricted area sa karagatan ng Barangay Dodan ang humigit-kumulang 7,212 ektarya. Ipinagbabawal din ang pagpasok ng mga sasakyang-pandagat sa mga itinalagang katubigan malapit sa Fuga Island sa araw ng pagsasanay.
Hinimok ng Coast Guard Station Cagayan ang mga mangingisda at operator ng mga sasakyang-pandagat na sundin ang mga restriksyon at iwasan ang mga apektadong katubigan upang maiwasan ang aksidente.
Pinangangasiwaan ng 5th Infantry Division ang Counter-Landing Live Fire Exercise sa Aparri, Cagayan. Bahagi ito ng pagsasanay sa depensa sa baybayin ng Northern Luzon upang sanayin ang mga tropa sa pagpigil sa mga ginagayang amphibious invasion o paglusob mula sa dagat.
Ayon sa PCG, bawal pumasok ang lahat ng sasakyang-pandagat at watercraft sa mga itinalagang koordinado habang isinasagawa ang live-fire activities. Ibabalik ang normal na paglalayag matapos ang pagsasanay.
Tiniyak naman ng 5th ID na nagpatupad ito ng mga hakbang pangkaligtasan at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at residente bago at habang isinasagawa ang mga military exercise. RNT/MDS