Home METRO 213 inarestong ASEAN protesters, na-inquest na — NCRPO

213 inarestong ASEAN protesters, na-inquest na — NCRPO

4
0

MANILA, Philippines — Natapos na ang inquest proceedings ng 213 indibidwal na inaresto sa isang kilos-protesta sa Sucat, Muntinlupa City noong Linggo, Nobyembre 15, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa pahayag nitong Martes, Nobyembre 17, sinabi ng NCRPO na susunod nang dadaan sa kaukulang pagsusuri ng mga tagausig ang mga reklamong may kaugnayan sa pag-aresto.

Iginiit ng NCRPO na sinunod ng mga pulis ang mga itinakdang legal na proseso at constitutional safeguards mula sa pag-aresto hanggang sa paghahain ng mga reklamo.

Binigyang-diin din ng pulisya na dapat pairalin ang maximum tolerance sa mga pampublikong pagtitipon at magsagawa lamang ng interbensyon kapag pinahihintulutan ng batas.

Nilinaw ng NCRPO na hindi nangangahulugang nagkasala na ang isang indibidwal dahil lamang sa pagkakaaresto, at nananatili ang kanilang karapatan sa due process at presumption of innocence.

Kabilang sa mga inaresto ang mga miyembro ng Lakbayan ng Timog Katagalugan, mga estudyante at ilang student journalist.

Naganap ang pag-aresto habang nagsasagawa ng protesta laban sa Pax Silica initiative at pagbisita ni US President Donald Trump para sa 49th ASEAN Summit.

Nauna nang kinuwestiyon ng ilang grupo at mambabatas ang pag-aresto at pagdetine sa mga indibidwal, habang nanindigan naman ang pulisya na isinagawa ang kanilang operasyon alinsunod sa batas.

Hindi pa malinaw kung ilan sa 213 ang pinalaya, nananatiling nakakulong, o pormal nang nahaharap sa mga kasong naisampa sa korte. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here