Home METRO ER occupancy ng Ospital ng Maynila, apaw sa 253%

ER occupancy ng Ospital ng Maynila, apaw sa 253%

4
0

MANILA, Philippines — Muling lumampas sa doble ng normal na kapasidad ang emergency room ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) matapos umabot sa 253% ang occupancy nito bandang alas-7 ng gabi nitong Martes, Nobyembre 17.

Ayon sa anunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno, patuloy ang pagdagsa ng mga pasyente sa ospital kaya hiniling niya ang pang-unawa ng mga naghihintay ng atensiyong medikal.

Pinayuhan din ang mga pasyente na isaalang-alang ang pagpunta sa ibang kalapit na ospital na may kakayahang tumanggap sa kanila.

Nauna nang umabot sa 300% ang kapasidad ng emergency room noong Lunes ng hapon bago bumaba sa 153% nitong Martes ng umaga.

Gayunman, muling tumaas ang occupancy pagsapit ng gabi.

Nakahanda naman ang mga ambulansya ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department upang tumulong sa paglilipat ng mga pasyente sa ibang pagamutan kung kinakailangan.

Humingi rin ng paumanhin ang pamunuan ng OMMC at tiniyak na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya upang maibsan ang pagsisikip sa pasilidad.

Samantala, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Edwin Mercado na kabilang sa mga nakikitang dahilan ng pagdami ng mga pasyente ang pagtaas ng kaso ng ubo, sipon at influenza-like illnesses.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa lokal na pamahalaan at nagpapadala ng mga tent upang makatulong sa pagtugon sa dami ng mga pasyente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here