MANILA, Philippines — Hindi natapos sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang Code of Conduct (COC) sa South China Sea, sa kabila ng umabot na sa 85% hanggang 90% ang progreso ng negosasyon, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa press conference matapos ang 49th ASEAN Summit nitong Martes, Nobyembre 17, sinabi ni Marcos na napagkasunduan na ang karamihan sa mahahalagang usapin sa pagitan ng ASEAN at China.
Gayunman, kailangan pang plantsahin ang kahulugan ng ilang termino upang matiyak na pare-pareho ang interpretasyon ng mga bansang kabilang sa kasunduan.
“What is left? And it is the definition of terms so that we can agree exactly what we are talking about,” ani Marcos.
Nauna nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na humigit-kumulang 80% ng draft COC ang mayroon nang provisional agreement.
Kabilang sa mahahalagang usaping tinalakay sa negosasyon ang geographic scope ng kasunduan, kung magiging legally binding ito, at ang eksaktong kahulugan ng mga terminong gagamitin.
Dahil hindi natapos ang kasunduan ngayong taon, magpapatuloy ang negosasyon sa 2027 sa ilalim ng pamumuno ng Singapore sa ASEAN.
Samantala, sinabi ni Marcos na patuloy na susundin ng ASEAN at China ang 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea habang hindi pa napagtitibay ang COC.
Layunin ng COC na magtakda ng mga alituntunin upang maiwasan ang mga insidente at hindi pagkakaunawaan na maaaring humantong sa mas malalang tensyon sa pinag-aagawang karagatan.
Naninindigan ang Pilipinas na dapat umayon ang magiging kasunduan sa international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Dave Medina