MANILA, Philippines — Inaasahang isasailalim sa mas malalim na digital forensic examination ang mga electronic device na nakuha sa imbestigasyon sa umano’y planong pamamaril sa isang paaralan sa Batac, Ilocos Norte.
Batay sa pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre 16, nagsagawa na ng paunang pagsusuri sa mga device na isinuko sa mga awtoridad.
Kabilang sa mga nakuhang ebidensiya ang mga cellphone at ilang gamit na may kaugnayan sa mga baril at bala.
Nakipagtulungan din umano ang mga magulang at guardian ng tatlong menor de edad sa mga awtoridad upang mapigilan ang posibleng insidente.
Nauna nang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na natunton ang umano’y plano matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos tungkol sa online na pag-uusap ng mga estudyante.
Patuloy ang imbestigasyon habang tumatanggap ng kaukulang interbensiyon ang mga menor de edad sa tulong ng mga social worker.
Tiniyak din ng NBI na sinusunod ang mga patakaran sa pangangalaga sa mga bata, kabilang ang kanilang karapatan sa privacy at due process. Mary Anne Sapico