MANILA, Philippines — Tiniyak ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na walang pamilyang politikal, kabilang ang kanyang sarili, ang bibigyan ng espesyal na pagtrato kaugnay ng bullying incident sa Ateneo de Davao University Junior High School.
Sa kanyang pahayag nitong Martes, Nobyembre 17, binigyang-diin ng alkalde na hindi dapat maging hadlang ang yaman, impluwensiya o pangalan ng pamilya sa pagkamit ng hustisya.
Sinabi rin ni Duterte na naghihintay sila ng pagkilala sa insidente o pagpapahayag ng malasakit mula sa isang hindi niya pinangalanang opisyal ng gobyerno.
Gayunman, nilinaw niyang hindi nangangahulugan ng pagkakasala ang pananahimik ng isang tao, bagama’t mahalaga ang pananagutan ng mga nasa pampublikong posisyon.
Tiniyak din ng alkalde na pangangalagaan ang karapatan ng lahat ng batang sangkot at igagalang ang due process.
Nauna nang pinatalsik ng Ateneo de Davao ang isang junior high school student matapos mapatunayang responsable ito sa insidente sa isinagawang disciplinary proceedings ng paaralan.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng unibersidad sa iba pang aspeto ng pangyayari, kabilang ang posibleng pagkakasangkot ng iba pang estudyante.
Iginiit ni Duterte na hindi dapat nakadepende sa kapangyarihan o koneksiyon ng pamilya ang pagkamit ng hustisya. Mary Anne Sapico