Home METRO Suspek sa carnapping, patay sa engkwentro sa Las Piñas

Suspek sa carnapping, patay sa engkwentro sa Las Piñas

1
0

LAS PIÑAS CITY — Patay ang isang hinihinalang suspek sa carnapping matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng hot-pursuit operation sa Las Piñas City madaling araw ng Martes, Nobyembre 17.

Kinilala ang nasawi sa alyas na “Kabayo” matapos beripikahin ng mga imbestigador ang kanyang pagkakakilanlan.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagsagawa ng hot-pursuit at dragnet operation ang mga tauhan ng Las Piñas City Police, partikular ang CAA Sub-Station, matapos makatanggap ng ulat na isang armadong lalaki ang sapilitang tumangay sa Honda Click motorcycle ng isang rider sa harap ng spa sa Naga Road, Barangay Pulang Lupa Dos.

Dakong alas-2:10 ng madaling araw nang mamataan ng mga pulis sa Gatchalian Drive, malapit sa Barangay Manuyo Dos, ang kulay-abong Honda Click na tumutugma sa paglalarawan sa ninakaw na motorsiklo.

Nang tangkaing pahintuin ng mga awtoridad, pinaharurot umano ng suspek ang motorsiklo upang makatakas.

Kalaunan ay huminto rin ito, bumunot ng baril at nagpaputok umano sa mga humahabol na pulis, dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Namatay ang suspek matapos tamaan ng bala.

Narekober sa pinangyarihan ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number at may lamang tatlong bala. Positibo ring kinilala ng unang biktima ang Honda Click bilang motorsiklong tinangay sa kanya.

Kinilala ang biktima na si alyas “Per,” 25, isang rider na nagtatrabaho sa spa sa Naga Road. Ayon sa kanya, tinutukan siya ng baril ng suspek bago tinangay ang kanyang motorsiklo.

Sa karagdagang imbestigasyon, positibo ring kinilala ni alyas “Marie,” 34, sa pamamagitan ng isang litrato ang nasawing si Kabayo bilang umano’y taong tumangay sa kanyang Yamaha NMAX sa Barangay Manuyo Dos noong Nobyembre 13.

Nasangkot din umano sa naturang insidente ang isa pang suspek na naaresto na ng mga awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng mga insidente ng carnapping. Jame Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here