MANILA, Philippines — Nagkasundo ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Estados Unidos sa 10 prinsipyo at isang komprehensibong plano upang palakasin ang paglaban sa online scams sa rehiyon.
Ito ang inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ASEAN-US Special Summit sa Maynila nitong Martes, Nobyembre 17, na dinaluhan ni US President Donald Trump at iba pang lider ng Southeast Asia.
Ayon kay Marcos, nakumpleto ang kasunduan matapos ang koordinasyon ng mga opisyal ng ASEAN at Estados Unidos bago pa dumating si Trump sa Pilipinas.
Kabilang sa mga napagkasunduan ang 10 prinsipyo para sa public-private partnerships na naglalayong palakasin ang pagtutulungan ng mga pamahalaan at pribadong sektor laban sa online scams.
Sinabi ng Pangulo na isa itong agarang resulta ng special summit sa gitna ng lumalaking banta ng online fraud at iba pang transnational crimes sa rehiyon.
Gayunman, hindi pa idinetalye ni Marcos sa kanyang talumpati ang mga partikular na probisyon at paraan ng pagpapatupad ng napagkasunduang mga prinsipyo.
Bukod sa paglaban sa online scams, binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng ASEAN at Estados Unidos sa kalakalan, pamumuhunan, teknolohiya at seguridad.
Samantala, ginugunita ngayong 2026 ang ika-80 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos, habang nakatakda namang ipagdiwang sa 2027 ang ika-50 taon ng ASEAN-US dialogue relations. Kris Jose