Home HOME BANNER STORY Uwian na! Mga biyahero, tumpok na sa mga terminal sa huling araw...

Uwian na! Mga biyahero, tumpok na sa mga terminal sa huling araw ng ASEAN break

6
0

MANILA, Philippines — Nagsimula nang dumami ang mga biyahero sa mga bus terminal sa Metro Manila ngayong Miyerkoles, Nobyembre 18, huling araw ng special non-working days kaugnay ng 49th ASEAN Summit.

Maagang nagtungo sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang ilang pasaherong nagmula sa mga probinsya upang makabalik sa kani-kanilang destinasyon bago matapos ang limang-araw na bakasyon.

Kabilang dito si Cristina Musa na dumating kasama ang kanyang mga kapatid at pinsan matapos magbakasyon sa Bicol mula Biyernes ng gabi.

Sinabi niyang inagahan nila ang pag-uwi upang makaiwas sa mabigat na trapiko at makapaghanda sa pagbabalik-eskuwela ng kanyang mga apo.

May ilan ding pasaherong nagpatuloy sa ibang destinasyon gaya ni Perlita Veloso na mula Bicol ay lumipat ng bus na biyaheng Tuguegarao City.

Samantala, hindi pa gaanong matao ang Victory Liner terminal sa Pasay City kaninang umaga, ngunit inaasahan ng pamunuan nito ang pagdami ng mga pasahero mula Miyerkoles ng gabi hanggang Biyernes.

Ayon kay terminal manager Arnel Santos, sunod-sunod ang naging biyahe ng mga bus noong nakaraang Biyernes at Sabado, partikular sa mga rutang Baguio at Cagayan.

Dahil sa dami ng pasahero, ginawa nang kada 15 minuto ang biyahe ng mga bus patungong Baguio mula sa dating isang beses kada oras.

Humingi rin ng special permits ang kumpanya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang madagdagan ang mga biyahe.

Pinayuhan naman ni Santos ang mga pasahero na agahan ang pagpunta sa terminal at samantalahin ang online booking upang maiwasan ang mahabang pila at abala sa pagbili ng tiket.

Inaasahan ding mas dadami pa ang mga biyahero sa mga susunod na linggo sa pagsisimula ng Christmas at New Year travel rush. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here