Home METRO Naga City Science High, binulabog ng bomb threat

Naga City Science High, binulabog ng bomb threat

1
0

NAGA CITY — Suspendido ang face-to-face classes sa Naga City Science High School ngayong Miyerkoles, Nobyembre 18, matapos makakita ng sulat na nagbibiro tungkol sa pagbili ng bomba sa loob ng paaralan.

Batay sa School Memorandum No. 30, series of 2026, natagpuan ang sulat na tila palitan ng mensahe ng mga estudyante sa girls’ comfort room ng main building nitong Martes ng hapon.

Agad na iniulat ng school Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) focal person ang insidente sa Naga City Police Office (NCPO) Station 6.

Nagsagawa naman ang mga pulis ng paunang imbestigasyon at malawakang inspeksiyon sa buong paaralan noong Martes ng gabi.

Nakumpirma sa isinagawang security sweep na walang bomba, pampasabog o iba pang mapanganib na materyales sa loob ng campus.

Gayunman, nagpasya ang pamunuan ng paaralan na pansamantalang suspendihin ang face-to-face classes upang bigyang-daan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon at pagsasagawa ng karagdagang security protocols.

Sa halip, gagamitin muna ng mga estudyante ang Alternative Delivery Mode (ADM) sa pamamagitan ng modular o online distance learning.

Nagbabala rin ang pamunuan na may mabigat na kaparusahan ang paggawa o pagpapakalat ng bomb jokes at maling banta.

Sa ilalim ng Department of Education (DepEd) Order No. 006, series of 2026, itinuturing na third-level major offense ang paggawa ng bomb threats o bomb jokes.

Kabilang sa parusa sa unang paglabag ang non-readmission, o hindi na pagpapahintulot na mag-enroll sa susunod na school year, habang maaari pang tapusin ng estudyante ang kasalukuyang taon. Maaari ring i-refer ang kaso sa kinauukulang ahensiya para sa kaukulang interbensiyon.

Nakatakdang ibalik ang face-to-face classes sa Huwebes, Nobyembre 19, depende sa pinal na clearance ng Philippine National Police (PNP) at Schools Division Superintendent.

Hinimok din ng paaralan ang mga magulang at estudyante na umasa lamang sa mga opisyal na anunsiyo at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon upang hindi magdulot ng hindi kinakailangang pangamba. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here