MANILA, Philippines — Nakatakdang ilipat sa isang detention facility ang 213 demonstrador na inaresto sa Sucat, Muntinlupa City noong Nobyembre 15, matapos maisumite sa tanggapan ng piskal ang mga reklamong inihain laban sa kanila, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sinabi ni NCRPO chief Police Brig. Gen. Christopher Abrahano nitong Miyerkoles, Nobyembre 18, na hinihintay na lamang ang commitment orders mula sa korte bago maisagawa ang paglilipat.
Sa isang panayam, sinabi ni Abrahano na kasalukuyang nasa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga inaresto habang pinoproseso ang kanilang paglilipat sa detention facility.
Nauna nang kinumpirma ng NCRPO na natapos na ang inquest proceedings ng 213 indibidwal at naisumite na sa tanggapan ng mga tagausig ang mga kaugnay na reklamo.
Inaresto ang mga ito sa isinagawang protesta laban sa US-led Pax Silica initiative at pagbisita ni US President Donald Trump para sa 49th ASEAN Summit.
Kabilang sa mga inaresto ang mga magsasaka, estudyante, katutubo at manggagawa na bahagi ng Lakbayan ng Timog Katagalugan.
Samantala, kinuwestiyon ng ilang grupo at human rights lawyers ang pag-aresto at pagdetine sa mga demonstrador, kabilang ang umano’y pagkaantala sa pagbibigay sa kanila ng access sa kanilang mga abogado at pamilya.
Itinanggi naman ng pulisya ang mga alegasyon ng paglabag sa karapatan ng mga inaresto at iginiit na sinunod nito ang mga itinakdang legal na proseso.
Nilinaw ng NCRPO na hindi nangangahulugang nagkasala na ang mga inaresto dahil lamang sa pagkakahain ng mga reklamo at nananatili ang kanilang karapatan sa due process at presumption of innocence. Santi Celario