Home NATIONWIDE SoKor, naghigpit sa entrance exam matapos AI cheating scandal

SoKor, naghigpit sa entrance exam matapos AI cheating scandal

1
0

SEOUL, South Korea — Naghigpit ang South Korea sa seguridad ng kanilang national college entrance examination matapos umamin ang isang examinee na gumamit ng artificial intelligence (AI) at nakatagong camera upang mandaya sa isang licensure examination.

Inihayag ni Prime Minister Han Seong-sook nitong Martes, Nobyembre 17, na magpapakalat ang pamahalaan ng karagdagang 8,400 personnel sa 1,312 examination centers para matiyak ang patas na kompetisyon sa taunang College Scholastic Ability Test (CSAT), na kilala rin bilang Suneung.

Nakatakdang isagawa ang pagsusulit ngayong Huwebes, Nobyembre 19, na lalahukan ng tinatayang 550,000 estudyante.

Kabilang sa mga bagong hakbang ang masusing inspeksiyon sa salamin sa mata, damit, kuwelyo at mga butones upang matukoy ang posibleng nakatagong electronic devices gaya ng miniature cameras at smart glasses.

Inatasan din ang mga examinee na ilagay sa kanilang mesa ang mga salamin upang matiyak na hindi ito ginagamit sa pandaraya.

Magpapadala rin ang mga awtoridad ng emergency alert bago magsimula ang pagsusulit upang matukoy kung may cellphone na hindi isinuko at nananatili sa loob ng examination centers.

Nag-ugat ang paghihigpit matapos umamin ang isang examinee na gumamit ng miniature camera upang kunan ng larawan ang mga tanong sa national tax accountant examination, saka ipinadala ang mga ito sa AI upang makuha ang mga sagot na sinuri naman sa pamamagitan ng smartphone.

Nanguna umano ang nasabing examinee sa pagsusulit matapos makakuha ng halos perpektong marka. Isinasailalim na sa imbestigasyon ng pulisya ang mga kagamitang ginamit sa naturang pandaraya.

Samantala, pinag-aaralan din ng pamahalaan na pahabain sa 10 taon mula sa kasalukuyang isang taon ang pagbabawal sa muling pagkuha ng Suneung para sa mga mahuhuling nandaya.

Maaari ring sampahan ng kasong kriminal ang mga sangkot sa mabibigat na paglabag, partikular ang paggamit ng smart devices.

Ipinahayag naman ni South Korean President Lee Jae Myung ang zero-tolerance policy laban sa anumang uri ng pandaraya, na aniya ay sumisira sa patas na kompetisyon at kredibilidad ng pagsusulit. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here