Home NATIONWIDE BI muling nagbabala kontra foreign military job offer

BI muling nagbabala kontra foreign military job offer

1
0

MANILA, Philippines – Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipino laban sa mga kahina-hinalang online job offers na nangangakong magbibigay ng malaking sahod at signing bonus, partikular ang mga trabahong may kaugnayan sa dayuhang puwersang militar.

Kasunod ito ng pagkakapigil sa isa na namang Pinoy na nagtangkang bumiyahe patungong Vietnam para umano magtrabaho sa isang foreign military matapos maakit sa alok na mahigit ₱100,000 buwanang sahod at US$10,000 signing bonus.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony M. Viado, naharang ang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Nobyembre 7 matapos mapansin ng mga immigration officer ang mga hindi pagkakatugma sa kanyang travel documents at mga pahayag.

Sa isinagawang masusing pagsusuri, nabatid na nakakita ang pasahero ng Facebook advertisement na nag-aalok ng nasabing trabaho.

Kalaunan, inatasan umano siya ng foreign recruiter na makipag-ugnayan sa pamamagitan ng WhatsApp at inayos din nito ang kanyang tiket sa eroplano at iba pang gastusin sa biyahe.

Inamin naman ng pasahero sa mga immigration officer na hindi turismo ang tunay niyang pakay sa pagpunta sa Vietnam.

Dahil sa mga kahina-hinalang detalye ng recruitment at pagbiyahe, itinuring siya ng BI na posibleng biktima ng human trafficking o illegal recruitment.

Agad siyang ipinasa sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri at kaukulang tulong.

Nagbabala naman si Viado sa publiko na huwag basta-basta magpaloko sa mga online job advertisement na nag-aalok ng hindi pangkaraniwang taas na sahod at malalaking bonus, lalo na kung may kinalaman sa pagtatrabaho sa dayuhang puwersang militar.

Binigyang-diin ng BI na maaaring mauwi ang ganitong mga alok sa mapagsamantalang recruitment, mapanganib na trabaho at seryosong banta sa buhay at kaligtasan ng mga Pilipinong naghahanapbuhay sa ibang bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here