Home METRO 4 timbog sa Taguig ops; mga baril, droga, nasamsam

4 timbog sa Taguig ops; mga baril, droga, nasamsam

1
0

TAGUIG CITY, Philippines – Apat na indibidwal ang naaresto kasunod ng isang intelligence-driven police operation na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga baril, hinihinalang ilegal na droga at mga motorsiklong pinaniniwalaang may kaugnayan sa isang insidente ng robbery-hold-up sa Barangay Rizal, Taguig City.

Base sa report ng Taguig City police, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Intelligence Section dakong alas-8:00 ng gabi ng Nobyembre 16, 2026, sa Polintan Compound, Barangay Sta. Ana, Taguig City, matapos ang pagsubaybay sa pamamagitan ng CCTV at pangangalap ng intelligence information upang matukoy ang pagkakakilanlan at posibleng kinaroroonan ng mga suspek.

Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang robbery-hold-up dakong alas-9:44 ng gabi noong Nobyembre 14, 2026, sa harap ng isang tindahan ng motorsiklo sa kahabaan ng Begonia Street, Barangay Rizal, kung saan tatlong armadong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang sapilitan umanong tinangay sa biktima na kinilalang si alyas Marie, 51, ang kanyang mga alahas na nagkakahalaga ng P500,000.

Habang isinasagawa ang operasyon, namataan ng mga operatiba ang isang motorsiklong tumutugma sa paglalarawan ng isa sa mga sasakyang ginamit sa panghoholdap. Nang lapitan nila ito upang beripikahin, tumakas ang isang hindi pa nakikilalang lalaking suspek patungo sa isang makitid na eskinita sa kahabaan ng Polintan Street.

Hugot ng suspek ang isang baril at pinaputukan ang mga humahabol na pulis kaya napilitan ang mga ito na gumanti ng putok. Sa kabila ng pagkakaroon ng tama ng bala, nagawa pa ring makatakas ng suspek sa pamamagitan ng pag-akyat sa bubong ng isang abandonadong bahay at paglipat sa katabing tirahan.

Nakiisa rin sa operasyon ang mga rumespondeng tauhan ng Police Sub-Station 4 at Police Sub-Station 10. Nagtungo ang mga ito sa natukoy na lugar kung saan naaresto ang apat na indibidwal na kinilalang sina alyas Xian, 23; alyas Jose, 35; alyas Mac, 39; at isang alyas Sharleen, 28.

Nasamsam sa operasyon ang isang Daewoo 9mm firearm, isang replika ng baril, mga hinihinalang ilegal na droga at mga kaugnay na drug paraphernalia, gayundin ang tatlong motorsiklo, kabilang ang isang itim na Honda Click at isang Euro Samurai na pinaniniwalaang ginamit sa panghoholdap.

Dinala sa kustodiya ng pulisya ang apat na naarestong indibidwal para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kinakailangang dokumento at ebidensiya para sa pagsasampa ng mga kaukulang kasong kriminal, kabilang ang Robbery sa ilalim ng Article 293 ng Revised Penal Code, gayundin ang pagsasagawa ng inquest proceedings at mga paglabag sa umiiral na mga batas hinggil sa baril at mapanganib na droga.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng armadong suspek na nakatakas. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here