MANILA, Philippines – Iniutos ng Muntinlupa City Prosecutor’s Office ang pagpapalaya sa mahigit 200 demonstrador na inaresto sa kasagsagan ng 49th ASEAN Summit matapos ang tatlong araw na pagkakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Batay sa resolusyong inilabas nitong Miyerkules, Nobyembre 18, dapat palayain ang mga demonstrador maliban kung may iba pang legal na dahilan upang manatili silang nakadetine.
Nilagdaan ang kautusan ni Senior Assistant City Prosecutor Elvin Keith Barrios at inaprubahan ni City Prosecutor Aileen Gutierrez.
Ibinasura rin ng prosecutors ang mga reklamong malicious mischief at alarms and scandals, habang isasailalim pa sa preliminary investigation ang iba pang reklamo kaugnay ng paglabag sa Public Assembly Act at resistance and disobedience to persons in authority.
Dahil sa kautusan, hindi na rin kinakailangan ang hiniling ng pulisya na ilipat ang mga demonstrador sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Kabilang sa mga inaresto ang mga miyembro ng Lakbayan ng Timog Katagalugan na nagsagawa ng protest caravan sa Sucat, Muntinlupa City noong Linggo, Nobyembre 15.
Tinututulan ng grupo ang US-led Pax Silica initiative at ang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas para sa ASEAN Summit.
Nauna nang naghain ng mosyon ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) upang hilingin ang agarang pagpapalaya sa mga demonstrador at pagbasura sa mga reklamo laban sa kanila.
Iginiit ng grupo na lumabag sa karapatan ng mga inaresto ang pagpapatuloy ng kanilang detensyon nang lampas 36 oras nang walang kasong naihahain sa korte.
Samantala, nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga ulat ng umano’y paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang pagkakaaresto ng mga menor de edad at mga pinsalang nakita sa ilang demonstrador.
Kinuwestiyon din ng CHR ang unang pagtanggi ng mga awtoridad na papasukin ang kanilang mga abogado at imbestigador sa Camp Bagong Diwa noong Nobyembre 15.
Patuloy na sinusuri ng CHR ang mga pangyayari upang matukoy kung may naganap na paglabag sa karapatang pantao.
Hindi pa nakumpirmang nakalabas na sa kustodiya ang lahat ng demonstrador sa kabila ng inilabas na kautusan. Santi Celario