MARAMI ang nagdududa kung magbubunga nang maganda sa turismo ng Pinas ang 4 araw na ASEAN Summit sa hinaharap o hanggang 2028 man lamang na pagtatapos ng administrasyong Bongbong Marcos…kung aalis sa poder.
May pagdududang aalis ito sa poder batay sa mga nagaganap na paggiba sa malalakas na kandidato na hindi nito hawak sa leeg hanggang 2028 at paniniwalang magkakaroon ng Marcos 2.0 istayl na pag-upo sa Malakanyang ng nasa 22 (kasama ang 14 taong martial law) taon mula noong nahalal si dating Pangulong Ferdie Marcos noong 1965.
Tinabla ng People Power 1 noong 1986 ang pananatili sa pwesto ni Manong Ferdie.
Pero balik sa turismo na namayagpag mula sa 10,000 delegado, miyembro ng media at iba pa sa Summit.
Tiyak na kumita ang mga hotel, mga may-ari ng mga sasakyang ginamit, mga nagtinda ng mga souvenir item, pagkain, resort, pasyalan at iba pa.
Normal na nangyayari ito sa mga malakihang okasyon na panandalian lamang.
Tanong lang: Masusustine at mapagaganda kaya ng Pilipinas ang ganda nito bilang tourist destination ng mga dayuhan?
Tingnan natin ang rekord, mga brad.
Sa 11-member ng ASEAN, pang-6 lang tayo nitong 2025-2026 at sa datos, Malaysia ang nangunguna sa pagkakaroon ng 42.2 milyong bisita taon-taon; Thailand – 33M; Vietnam – 21.2M; Singapore – 16.9M, at Indonesia – 15.4M.
Pang-anim tayo sa pagkakaroon ng 6.5M at sumunod na ang Lao PDR na may 4.6M habang naglalaro sa 1M ang sa Myanmar, Brunei, Cambodia at Timor Leste.
Noong 2023, narito ang rekord: Thailand – 28.15M, Malaysia – 20.14M, Singapore – 13.61M, Vietnam – 12.60M, Indonesia – 11.68M, Cambodia- 5.50M, Philippines – 5.45M, Lao PDR – 3.40M, Myanmar – 1.28M at Brunei Darussalam – 0.12M.
Obserbasyon lang: Bakit nanatili tayo sa 5.4-6.5M samantalang ang iba, milyones ang dagdag at dumoble nang mahigit pa gaya ng Malaysia sa loob lang ng tatlong taon?






